Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
IYAK nang iyak si Sharon Cuneta sa buong mediacon para sa mister niyang si Senatorial candidate Francis “Kiko” Pangilinan.
Magkahalo ang emosyong naramdaman ng Megastar; una ay sobrang tuwa at pasasalamat sa pagpapahalaga sa kanilang mag-asawa ng Regal Entertainment sa pamamagitan ng mag-inang Roselle at Keith Monteverde.
Itinuloy kasi ng mag-ina ang nakaugalian ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde na pagsuporta sa kandidatura ni Kiko mula noon hanggang ngayon.
Labis daw ang pasasalamat ni Sharon sa pamilya Monteverde na hindi siya kailanman tinalikuran, pati na rin ang kanyang mister at sa kandidatura nito, mula kay Mother Lily hanggang sa anak nitong si Roselle at apo na si Keith.
Pagbabalik-tanaw pa ni Sharon, noong mga panahong mataba siya at walang nagbibigay ng project ay inalok daw siya ng pelikula ni Mother Lily.
Lahad naman ni Roselle, “My mom has been an advocate for giving good governance for our country.
“As children of Mother, we just wanna continue the legacy that she left us because she loves this country a lot.
“Love rin niya ang showbiz industry. Love rin niya kayong lahat. And we’re here to support Kiko because we believe in him.”
Kaakibat naman ng happy tears ni Sharon ang luha ng kalungkutan dahil sa mga pambibira at pamba-bash kay Kiko.
Matindi ang mga fake news na ikinakalat para sirain ang mister niya.
“I never liked politics kasi nga, in the Philippines, pagkaganda-ganda man ng intensyon mo, pagkaayos-ayos man ng puso mo, natatalo ka ng fake news.
“At saka ang budget ng ibang kandidato ay bilyun-bilyon na wala naman kami.
“Lahat ng mayroon kami, pinaghirapan naming dalawa.
“Bakit po ba ayaw niyong iboto si Kiko? Ano po ‘yung doubts niyo? Kasi lahat ng kasinungalingang inilalabas against him, may resibo kaming katapat.
“Mayroon kaming magpapasawalang katotohanan doon sa mga ibinibintang nila, paninira nila.
“Siguro, bilang asawa niya at nanay ng mga anak niya, ang pride kasi namin, dahil doon sa matinong pagkatao namin. Wala namang perpekto, ‘di ba, lalo tayo sa showbiz, Diyos ko po!
“Pero maayos ang pinanggagalingan namin, maayos kaming pinalaki ng mga magulang namin.”
Sa kabila nito, sobra ang pasasalamat ng Megastar at nagkaroon siya ng asawang tulad ni Kiko.
“Napaka-blessed ko dahil binigyan ako ng asawang hindi ako sasaktan at magiging mabuting ama. You know, Kiko doesn’t have a lot but everything he has, he gives to us.
“This is also his heart for the country, kasi hindi naman kami yumaman sa pulitika. He served for over two decades. Wala kaming inasenso. Nagtatrabaho pa rin kami.
“At 59, I still work because my husband still works because we think of our children. Everything we have has come from honest hard work,”emosyunal na lahad pa ni Sharon.
Pero ipinagpapasalamat ng mag-asawa na laging nasa top 12 si Kiko sa mga survey.
Binanggit din ng mag-asawa ang kanilang pasasalamat sa mga celebrities na sumusuporta sa kandidatura ni Kiko, na #51 sa balota, tulad nina Iza Calzado at Phi Palmos na personal na dumalo sa pa-event ng Regal para kay Kiko, at kina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Anne Curtis, Janine Gutierrez, Darren Espanto, Enchong Dee, Maja Salvador, Jolina Magdangal, Parokya ni Edgar, Robi Domingo, Nadine Lustre at Vice Ganda at marami pang iba.