Advertisers

Advertisers

Agabas: Positibong hakbang ang paglaban ng COMELEC sa mga namimili ng boto

0 4

Advertisers

IKINAGALAK ni Pangasinan 6th District Representative Marlyn Primicias-Agabas ang kamakailang pagtiyak ng Commission on Elections (COMELEC) na lahat ng reklamo ukol sa pagbili ng boto—mga naisampa at kasalukuyang nakabinbin—ay aaksyunan nang walang pagkaantala, at nanawagan siya sa COMELEC at sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin na ang kanilang mga pahayag ay susundan ng mabilis at nakikitang pagpapatupad.

Kinumpirma ni COMELEC Chairman George Garcia, sa pamamagitan ng tagapagsalita ng Commission, na ang ahensya ay naghahanda upang tugunan ang inaasahang pagdami ng mga reklamo ngayong linggo at binigyang-diin na walang kandidato na may hindi pa natutugunang kaso ng pagbili ng boto ang ipoproklama.

“Isa itong mahalagang unang hakbang. Pero ang kailangan ngayon ng publiko ay makita ang pagpapatupad,” sabi ni Agabas.



“Ang kredibilidad ng halalan sa Mayo 12 ay nakasalalay kung ang batas ay ipinatutupad,” dagdag pa niya.

Matatandaang sumulat si Agabas ng magkahiwalay na liham sa COMELEC at kay Chief PNP Rommel Marbil noong Abril 29, kung saan binanggit ang mga ulat ng malawakang operasyon ng pagbili ng boto na diumano’y kinasasangkutan ang mga kaalyadong politiko ng katunggaling kandidato na si Gilbert Estrella. Ayon sa kanya, ang mga botante sa lahat ng munisipalidad sa 6th District ay nakatanggap ng P3,000 bawat isa—isang operasyon na inilarawan niyang “isang bukas na lihim.”

Sa kanyang mga liham kay Garcia at Marbil, binigyang-diin ni Agabas na “ang COMELEC, kasama ang PNP, ang nasa pinakamagandang posisyon upang gamitin ang kanilang mga resources at intelligence network upang magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon at kumilos.

“Naniniwala ako na dapat pumasok ang mga nakatataas na awtoridad kasi ang mga nasa mababang posisyon ay natural na nag-aatubili na kumilos, dahil may mataas na opisyal na nakatago sa likod ng lahat ng ito,” dagdag ng kongresista.

Ipinahayag din kamakailan, ng iba’t ibang mga organisasyong pang-relihiyon at mga lider ng simbahan sa probinsya ang pagsang-ayon nila sa panawagan ni Agabas para sa agarang at tapat na aksyon, sinasabing ang pagbili ng boto ay isang moral at legal na isyu na nagbabanta sa pundasyon ng demokrasya.



“Makita sana natin ang parehong antas ng dedikasyon mula sa mga yunit ng law enforcement sa Pangasinan at sa buong bansa,” dagdag ni Agabas. ###