‘Alyansa’ nangakong isusulong national land use bill sa pamamagitan ng political will, matatag na liderato
Advertisers
Panahon na upang maisabatas ang panukalang National Land Use Act (NLUA).
Nangako ang mga administration-backed senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na tutuldukan ang ilang dekada nang pagkatengga ng NLUA, anila, ang pagpasa nito ay kinakailangan ng matibay na political will at ng committee chairs na seryoso sa land use planning at sustainability.
Sinabi ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson na ang patuloy na pagkatenga ng panukala – umabot na sa 30 taon – ay dahil sa mahinang liderato at lack of urgency sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Siguro reorganization ng mga committees, at ang ilagay nating chairman ng committee na mag-sponsor o mag-defend ng bills tungkol sa land use ay ‘yung talagang may malasakit sa pagpapaayos ng land use ng buong Pilipinas,” punto ni Lacson.
Sey ni Lacson, dapat pumili ang Senado ng lider na magtutulak ng panukala at hindi papayag na matengga pa rin ang NLUA.
Sang-ayon dito si former Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ani Sotto, matatag na liderato sa Senado at commitment mula sa Kongreso ang magbibigay ng daan para maisabatas na ang National Land Use Act.
“Dapat kumbinasyon (Senado at Kongreso),” ayon kay Sotto.
Paliwanag ni Sotto, naipasa na nila dati sa Senado ang National Land Use Act subalit hindi naman umano umaksiyon ang Kongreso.
Nang sa wakas ay kumilos na ang Kongreso dalawa o tatlong Congress ang lumipas, ang liderato naman ng Senado aniya ang hindi kumilos.
Giit ni Sotto, ang pag-aalumpihit ng dalawang kapulungan ng Kongreso na maipasa ang panukala ay indikasyon na dapat pumili ng matatag na committee chairpersons na tututukan ang panukala upang ganap na itong maisabatas.
“Tama ‘yung sinabi ni Senator Lacson. Importante ang pagpili ng chairman ng committee na ha-handle doon para maasikaso. Both Houses, not only the Senate but also in the House of Representatives,” diin ni Sotto.
Ang panukalang NLUA ay maglalatag ng komprehensibo at science-based policy para magsilbing gabay sa klasipikasyon, lokasyon at maayos na paggamit ng mga lupa sa buong bansa.
Pakay ng NLUA na balansehin ang paglalaan ng lupa para sa pabahay, agrikultura, mga industriya at tiyakin ang proteksiyon ng kalikasan at maiwasan naman ang hindi tamang land conversion.
Naniniwala ang ‘Alyansa’ na ang kawalan ng nasabing framework sa land use ay maglalagay sa bansa sa mas malalang epekto ng mga kalamidad, hindi tamang urban expansion at banta sa food security.
Sa kabila ng napakaraming endorsement at ang kamakailan lang na pagsertipika ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr bilang ‘urgent’ ang panukala, nananatiling nakatengga ang pagsasabatas ng NLUA dahil sa kakulangan ng aksiyon ng Kongreso at Senado.
Isusulong ng ‘Alyansa’ na maisabatas ang NLUA sa unang taon nang papasok na 20th Congress.