Advertisers

Advertisers

GOV. GADIANO UMAMIN SA DREDGING; MARCOS INIUTOS ANG NATIONWIDE PROBE!

0 14

Advertisers

INAMIN ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na siya mismo ang nag-apruba ng operasyon ng dredging ng Bluemax Tradelink Inc. sa baybaying-dagat ng mga bayan ng Rizal at Mamburao. Iginiit ni Gadiano na may awtoridad siyang gawin ito batay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order No. 2020-12.

Sa ilalim ng nasabing kautusan, binuo ang isang inter-agency task force na kinabibilangan ng mga regional director ng DENR, DPWH, MGB, at EMB, kung saan ang gobernador ng lalawigan ang tumatayong chairperson at may kapangyarihang mag-isyu ng permit sa mga kumpanyang nais magsagawa ng dredging sa kanyang nasasakupan.

Ang pag-amin ni Gadiano ay kasunod ng isang trahedya noong Abril 15, 2025, kung saan tumaob ang isang dredging vessel na pag-aari ng Bluemax sa bayan ng Rizal, na nagresulta sa pagkamatay ng siyam na tripulante, kabilang ang ilang Chinese nationals.



Kasabay ng rebelasyong ito, inanunsyo ng Malacañang nitong Martes na iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang malawakang imbestigasyon sa lahat ng dredging operations sa buong bansa. Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ikinabahala ng Pangulo ang mga ulat na posibleng ginagamit sa mga proyekto ng China sa West Philippine Sea ang mga materyales—lalo na ang buhangin—na kinukuha mula sa karagatan ng Pilipinas.

“Ayon sa malinaw na direktiba ng Pangulo, kailangang imbestigahan nang masinsinan ang lahat ng dredging at reclamation activities sa bansa dahil sa mga ulat ng posibleng maling paggamit ng mga nakukuhang materyales,” ani Castro.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang timing ng insidente sa Occidental Mindoro at ang pag-amin ni Gadiano, upang matukoy kung ang mga lokal na permit ay ginagamit sa mga gawaing pabor sa banyagang interes.