Advertisers
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na indibidwal matapos magpanggap na mga tauhan ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa NBI, nag-aalok ang mga ito sa isang mayoral candidate sa Iba, Zambales na kaya nilang manipulahin ang resulta ng halalan.
Pero humihingi ito ng kapalit na P30 milyon para sa sure win sa halalan sa Lunes.
Sinabi ni Atty. Genaro Montefalcon, nagpakilala sa kaniya ang mga salarin na may direktang koneksiyon sa dating Comelec Chairman na si Benjamin Abalos at pamangkin umano siya ni senatorial candidate Benhur Abalos.
Matapos maghinala, agad dumulog si Montefalcon sa Comelec na siya namang nag-report nito sa NBI dahilan upang masakote ang anim sa entrapment operation nitong Huwebes.
Hawak na ng mga awtoridad ang mga salarin at nahaharap sila ngayon sa reklamong Estafa, Usurpation of Authority at paglabag sa Automated Election System Law.