Advertisers

Advertisers

COA, binuking ang P26.8M na kaduda-dudang gastos ng SK Maybunga sa Pasig

0 130

Advertisers

BINUSISI ng Commission on Audit (COA) ang mahigit ₱26.8 milyong pisong gastos ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Maybunga, Pasig City mula 2019 hanggang 2023, at idineklarang iligal dahil sa kakulangan ng mga dokumento.

Sa inilabas na Notice of Disallowance No. 2024-SK21-01, sinabi ng COA na walang isinumiteng mga resibo, vouchers, o liquidation reports ang SK para sa mga transaksiyong nakita sa kanilang bank statements. Lumabas sa imbestigasyon na maraming tseke ang nilabas at na-encash sa loob ng limang taon, pero walang malinaw na paliwanag kung saan napunta ang pera.

Kabilang sa mga itinurong may pananagutan ay sina Hendrix R. Villacorte, kasalukuyang SK; Chairperson Patricia Andrey S. Sunga, SK Treasurer; Patricia Mae A. Torres, dating SK Chairperson; at Aubrey J. Garcia, dating SK Treasurer.



Ayon sa COA, ilang supplier tulad ng Joburi Trading, BSR Enterprises, Romarie Enterprises, Sandicho Trading, YDN Trading, at iba pa ang pinagbayaran ng daan-daang libong piso, pero hindi rin matukoy kung ano ang binili o kung natanggap ba talaga ng SK ang mga produkto o serbisyo.

May ilang tseke ring isinagawa para sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at City Treasurer’s Office ng Pasig, ngunit wala ring kalakip na dokumentong sumusuporta sa mga obligasyong ito.

Giit ng COA, nilabag ng SK ang mga patakaran sa paggamit ng pondo ng gobyerno, partikular ang COA Circular No. 2012-003, na nag-aatas na dapat kumpleto at dokumentado ang lahat ng gastusin.

Binigyan ng pagkakataon ang mga sangkot na opisyal upang magpaliwanag o mag-apela. Kung hindi mapapawalang-bisa ang disallowance, maaaring obligahin silang ibalik sa kaban ng bayan ang kabuuang halaga.

Tiniyak ng COA na patuloy nitong tututukan ang wastong paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na sa mga programang nakalaan para sa kabataan.