Advertisers
MALUGOD na inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na aprubado na ang dagdag na Php2,000 sa honoraria ng mga guro at iba pang poll workers na magsisilbi sa darating na May 12, 2025 National and Local Elections (NLE), alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman, layunin ng dagdag na kompensasyon na kilalanin ang sakripisyo, pagod, at puyat ng mga guro at poll workers sa pagbabantay ng boto sa araw ng halalan.
Narito ang bagong honoraria rates ng Electoral Board:
Php12,000 mula sa dating Php10,000 para sa Chairperson
Php11,000 mula sa dating Php9,000 para sa Poll Clerk
Php11,000 mula sa dating Php9,000 para sa Third Member
Php8,000 mula sa dating Php6,000 para sa Support Staff
Samantala, hinikayat naman ng DBM ang Commission on Elections (COMELEC) na tiyaking maipapamahagi nang maayos at maagap ang mas mataas na honoraria sa mga poll workers.
Aabot sa Php7.480 bilyon ang inilalaang pondo para sa kabuuang compensation ng poll workers sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act.
Tinatayang nasa 758,549 poll workers ang magsisilbi sa darating na halalan sa Lunes, Mayo 12.
Batay sa Election Service Reform Act at COMELEC Resolution No. 10194, ang mga sasalang sa election service ay may karapatang tumanggap ng honoraria, travel allowance, communication allowance, meal allowance, at service credit. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)