Advertisers
Napatay ng 50-anyos na mister ang kanyang misis nang saksak at laslasin ng leeg na parang hayop sa Barangay Ladia sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong umaga ng Huwebes, May 8, 2025.
Kinilala ang biktima na si Norodin Gumaga Mustapha.
Kinumpirma nitong Biyernes ni Lt. Col. Esmael Madin, Sultan Kudarat municipal police chief, ang pagkamatay sa naturang insidente ni Mustapha, driver ng sasakyang pampubliko.
Mismong ang misis ni Mustapha, si Baby Ana Maliga Biwang Mustapha, 25-anyos, ang sumaksak sa kanya gamit ang isang mahabang kutsilyo bago nito nilaslas ang kanyang leeg sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Ladia.
Ayon sa mga imbestigador ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, kasabwat ng suspect sa naturang krimen ang 22-anyos na kaibigan na si Montasir Baito Usop.
Sa salaysay ng mga kapitbahay, unang tinawagan, gamit ang cellphone, ng misis ni Mustapha si Usop at hiniling na dalhan siya ng matalas na kutsilyo na agad naman nitong tinupad. Agad na kinuha ng suspect ang kutsilyong dala ni Usop at inundayan ng saksak si Mustapha at, ng mabuwal, ay nilaslas ang leeg.
Agad namang naaresto ng mga pulis at barangay officials na nagresponde sa insidente ang suspect at si Usop, nahaharap na sa mga kaukulang kaso.