Panghihimasok at Malinaw na Paninira: Barangay Leaders ni Icel Del Rosario, Ilegal na Dinakip ng Mga Tanod sa Kalagitnaan ng Legal na Pulong
Advertisers
Tahasan at walang kaukulang pahintulot na pinasok ng dalawang Barangay Tanod ang tahanan ng isang Barangay leader ni Mayoral Candidate Icel Del Rosario Morales bandang alas-5 ng hapon sa Julugan 3, Tanza, Cavite.
Kinilala ang mga tanod na sina Raul Bautista at Allan Yolangco, kapwa Barangay Tanod ng nasabing lugar.
Sa gitna ng isang voters’ education at poll watchers’ meeting—isang legal at demokratikong aktibidad—ay pwersahang pinasok ng dalawa ang pribadong bahay at pinilit dakpin ang mga lider na nangunguna sa pagpupulong.
Dinala sila sa Tanza Police Station at inakusahang lumabag sa Section 26(a) ng Omnibus Election Code na may kaugnayan sa umano’y vote buying.
Mariin itong pinabulaanan ng grupo ni Del Rosario, at iginiit na ang aktibidad ay bahagi ng paghahanda sa eleksyon at hindi kailanman tumalakay o nagsagawa ng pamimili ng boto.
Sa kabila ng alegasyon, ilang pirasong ?500.00 at ilang sample ballots lamang ang nabanggit na ebidensya—na ayon sa mga testigo ay itinanim lamang sa lugar upang siraan ang grupo.
Hindi rin umano tumutugma ang sample ballot sa opisyal na listahan ng mga kandidato mula sa Team Del Rosario, isang malinaw na indikasyon ng pagkakatha ng ebidensya.
Giit ng mga tagasuporta, kung totoong may vote buying ay hindi ilang P500.00 lamang ang gagamitin lalo pa’t marami ang dumalo sa naturang pulong.
Samantala, agad namang sumugod ang kampo ni Del Rosario sa Tanza Police Station kasama ang kanilang mga abogado na ang gusto lamang ay magkaroon ng mapayapa at patas na halalan.
Nag-alay din ng panalangin at rosaryo ang grupo na humihingi ng hustisya sa di umano ay ilegal na pagdakip sa kanilang mga lider.