Advertisers
Nahaharap si Makati Mayor Mar-Len Abigail Binay-Campos sa kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman, na isinampa ng dalawang residente ng EMBO na inakusahan siya ng paglabag sa mga batas laban sa katiwalian at pagsuway sa desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa Makati na mag-exercise ng jurisdiction sa EMBO barangays.
Inakusahan si Mayor Abby Binay ng mga paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at Artikulo 231 ng Revised Penal Code.
Nag-ugat ang reklamo sa desisyon ni Mayor Binay noong Enero 2024 na ipasara ang mga health center, daycare facility, at iba pang serbisyong pampamayanan sa mga lugar ng EMBO matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang hurisdiksyon ng Taguig sa mga pinag-aagawang barangay.
Ayon sa mga nagreklamo, na residente ng South at East Rembo, nakaranas sila ng matinding hirap dahil sa pagkawala ng mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang lugar. Isa sa kanila, isang senior citizen na may iba’t ibang chronic illness, ay nagsabing ilang buwan siyang hindi nakakuha ng kanyang maintenance na gamot. Ang isa naman, isang cancer survivor, ay nagsabing napilitan siyang bumiyahe ng malayo para makapagpagamot matapos ipasara ang health center sa East Rembo.
Ang mga ginawa ni Binay, batay sa sinumpaang salaysay ng mga nagreklamo, ay nagpapakita ng “lantad na pagkiling at hayagang masamang hangarin,” lalo na’t ang mga pampublikong pasilidad ay itinayo sa inilaan ng batas para sa kapakanan ng mga residente ng EMBO. Binanggit sa reklamo ang Proclamation No. 1916, na nagtatalaga sa nasabing lupa para sa institusyonal at pampublikong gamit ng mga residente ng Cembo, South Cembo, East at West Rembo, Pembo, Pitogo, Rizal, at Comembo.
“Sadya niyang binalewala ang piñal na desisyon ng Korte Suprema, na alam niyang magdudulot ng pagdurusa,” ayon sa reklamo. Dagdag pa rito, binanggit na si Binay ay nagpakita ng “hayagang pagsuway” sa pamamagitan ng pagsasabit ng mga karatula na nagsasaad na ang mga ari-arian ay pag-aari pa rin ng Makati, sa kabila ng malinaw na kautusan ng Korte Suprema na kinikilala ang hurisdiksyon ng Taguig.
Hinihiling ng mga nagreklamo sa Ombudsman na pansamantalang suspendihin si Mayor Binay, patawan siya ng mga kaukulang parusang administratibo kabilang ang pagpapatalsik sa puwesto kung kinakailangan, at sampahan siya ng kasong krinimal sa korte.