Advertisers

Advertisers

Walang Ginawa: Suansing Mag-ina tahimik sa panawagan ng mga magsasaka, panahon na para maningil

0 26

Advertisers

NOONG 2019, isang makasaysayang petisyon ang isinumite ng mahigit 3,000 magsasaka sa Nueva Ecija, isang malinaw at desperadong panawagan: Ibasura ang Rice Tariffication Law (RTL). Ang petisyon ay personal na tinanggap ni Cong. Estrellita “Ging” Suansing sa isang forum sa Guimba, at sa harap ng publiko, nangakong kikilos. Ngayon, 2025 na, wala pa rin nangyari.

At ang mas masakit: ngayon, ang kanyang anak na si Mika Suansing, na ngayo’y nasa puwesto, ay tahimik din. Walang posisyon, walang panukala, walang ipinakitang intensyong buwagin ang batas na patuloy na pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka.

“Ipinangako nilang kikilos sila. Hindi sila kumilos.”



Si Ging Suansing, na isa sa mga pangunahing sumulat at bumoto pabor sa RTL, ay nagsabing “babantayan” at “sisiguraduhin” niya na hindi maaapi ang mga magsasaka. Pero matapos ang ilang taon, walang ni isang hakbang para i-repeal ang batas. Walang ipinasa. Walang naipaglaban.

At ngayong si Mika Suansing na ang nakaupo, wala rin pagbabago. Hindi ba’t ito na nga ang panahon para itama ang pagkukulang ng sariling ina? Pero sa halip, tila piniling ipagpatuloy ang pananahimik at pagtanggap sa parehong sistemang nagpapahirap sa mga taga-lalawigan.

Panahon na Para Maningil
Ang Rice Tariffication Law ay ipinasa sa kabila ng babala ng mga magsasaka: babagsak ang farmgate price, babaha ang imported rice, at malulugi ang lokal na magsasaka. Lahat ng ito, nangyari. Sa Nueva Ecija, na tinaguriang Rice Granary ng Pilipinas, nangyari ang pinakamalalang pagbagsak ng presyo ng palay sa kasaysayan.

Para saan ang 10-bilyong “Rice Enhancement Fund” kung hindi ito maramdaman ng libu-libong magsasakang lalong nalugmok sa kahirapan. Hindi sapat ang mga palusot na “kailangan ng WTO” o “priority bill ng Malacañang” kung ang resulta ay gutom at pagkabaon sa utang ng mga tunay na nagtatanim ng bigas.

Kung tunay na nagmamalasakit si Mika Suansing, bakit hindi siya nangunguna sa panawagang i-repeal ang batas? Bakit walang inisyatiba, resolusyon, o kahit public statement na nagtatanggol sa interes ng mga magsasaka?



Hindi Na Pwedeng Tumahimik
Ito ay hindi lamang political legacy issue. Ito ay isyu ng buhay at kabuhayan. Ang katahimikan ni Mika Suansing ay isang tahasang pagtalikod sa daing ng mga mamamayan lalo na ng mga magsasaka na siyang bumubuhay sa ating hapag-kainan.

Panahon na para ihalal ang mga lider na hindi lang tumatanggap ng petisyon, kundi nagsusulong ng batas. Hindi na pwedeng muli na namang gamitin ang apelyidong Suansing para sa mga pangakong napako.

Ngayong halalan, ang tanong: Sa panig ba ng magsasaka ang mananalo? O muli na naman tayong paiikutan ng mga tahimik kapag panahon ng aksyon?