Advertisers
ININDORSO ng dalawa sa pinakamalaking religious organizations sa bansa ang kandidatura bilang senador ni dating Senator Bam Aquino, na nagpalakas sa kanyang tsansa sa darating na halalan sa Lunes.
Kabilang si Aquino sa listahan ng walong kandidato na inindorso ng maimpluwensiyang Iglesia Ni Cristo (INC), batay sa sample ballots na ipinamahagi sa mga miyembro nito.
Isinama rin ng Jesus Is Lord (JIL) Church si Aquino sa mga kandidato nito bilang Senador.
“Taos-pusong pasasalamat kay Executive Minister Eduardo Manalo at sa buong Iglesia Ni Cristo (INC) sa inyong tiwala at pag-indorso sa aking kandidatura. Patuloy po nating pagtatrabahuhan na makamit ang magandang buhay para sa bawat pamilyang Pilipino,” wika ng dating senador.
Nagpasalamat din si Aquino sa JIL sa kanilang tiwala at suporta, at kay Senador Joel Villanueva sa pagtatakda ng pulong sa JIL National Executive Committee.
“Thank you very much to the Jesus is Lord Church for endorsing my candidacy for senator. I am truly grateful for your trust and support,” wika ni Aquino.
Malaki ang maitutulong ng mga endorsement sa kandidatura ni Aquino dahil milyun-milyon ang mga miyembro ng INC at JIL sa buong bansa.
Pang-11 si Aquino sa pinakabagong Pulse Asia survey na ginawa mula Abril 20 hanggang 24.