TRABAHO Partylist nagbibigay-pugay sa mga inang Pilipino, nangakong magsusulong ng mga batas na tutulong sa mga ina
Advertisers
SA huling araw ng kampanya para sa halalan, pinarangalan ng TRABAHO Partylist (no. 106 sa balota) ang mga inang Pilipino at muling iginiit ang kanilang pangako na ipaglaban ang mas pinalakas na suporta para sa mga labor policies na pabor sa mga inang Pilipino.
Binigyang-diin nila ang pangangailangan para sa mga polisiya na tumutugon sa kakaibang pasaning dinadala ng mga working mom, full-time homemaker, at solo parent.
Sa pakikipagtulungan kay celebrity host Melai Cantiveros-Francisco, na isa ring working mother, nagbigay ng taos-pusong pagbati ng “happy mother’s day” ang TRABAHO Partylist sa pamamagitan ng isang reel na naglalarawan ng samu’t saring papel na ginagampanan ng mga ina sa loob ng tahanan — mula sa pagluluto ng pagkain, paglilinis ng bahay, paglalaba, pagtutuos ng budget, hanggang sa pagbibigay ng pinansyal na suporta sa kanilang anak.
Sinamahan ito ng caption na tila isang job posting, na nagsasaad ng mga sumusunod:
“We’re Hiring!
24/7 duty
No rest day
All-around work
Can work under pressure
All other duties as may be required by the circumstances
PhP 0.00 salary
Contract period: Lifetime”
Inilalarawan ng job posting ang habambuhay, walang pahinga, at malawak na sakop ng tungkulin na tanging mga ina lamang ang gumagawa ng hindi umaasa ng kahit isang pisong kapalit.
Gayunpaman, binigyang-diin ng TRABAHO Partylist na hindi ito dapat gawing dahilan upang hindi maisabatas ang mga panukala na maaaring magpalakas pa lalo sa kakayahan ng mga ina, gayundin ang pagaanin ang kanilang mga pasanin sa paghawak ng personal na tungkulin, habang patuloy na umaabanse sa kanilang propesyunal na karera.
Sa isang kamakailang survey na isinagawa ng kompanyang Milieu Insight, 66% ng mga inang Pilipino ang nagsabing nahihirapan silang balansehin ang trabaho at responsibilidad sa pamilya — ang pinakamataas sa mga bansang Southeast Asia na sinuri.
Batay sa parehong survey, sinabi ng tagapagsalita ng TRABAHO Partylist na si Atty. Mitchell-David na: “79% ng mga Pilipinang ina ang naniniwala na ang pagpapatupad ng flexible working hours o remote work options ay isang mahalagang paraan para mas masuportahan sila ng kanilang mga pinagtatrabahuhan.”
“Tunay nga, ang flexible work arrangements ay hindi na lamang mga benepisyo—kundi pangunahing pangangailangan ng mga Pilipinang ina, at inaasahan naming maisabatas ito upang maging pormal na pamantayan,” dagdag pa ng abogado.
Inilahad ng TRABAHO ang ilang mahahalagang panukalang polisiya na layuning iangat ang buhay ng mga inang Pilipino tulad ng flexible work arrangements, pinalawak na parental leave, suporta para sa mga solo parents gaya ng karagdagang leave at benepisyo, at onsite childcare facilities.
“Ang pagbibigay kapangyarihan sa mga ina ay pagbibigay kapangyarihan sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino,” pagtatapos ng tagapagsalita ng TRABAHO.