Advertisers
Namatay sa mga tama ng bala ang apat na mga supporters ng isang kandidato sa pagka-mayor ng Hadji Mohammad Ajul sa Basilan na naka-engkwentro ng mga armadong tauhan ng karibal na na kandidato Linggo ng umaga, May 11, 2025.
Kabilang sa mga nasawi ang bayaw ng isang lokal na kandidato, batay sa paunang impormasyon mula sa mga saksi.
Ayon sa mga residente sa lugar, ang tensyon umano nagsimula Linggo ng umaga at nagpapatuloy hanggang isinusulat ang balitang ito, na nagkasalpukan ang dalawang grupo ng tagasuporta na nauwi sa barilan.
Kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon ang mga awtoridad upang kontrolin ang sitwasyon at maiwasan ang karagdagang pinsala.
Ayon sa ulat ng mga miyembro ng Basilan Provincial Peace and Order Council at ng mga opisyal ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, naganap ang madugong barilan, gamit ang mga assault rifles, sa Barangay Langil sa Hadji Mohammad Ajul.
Wala pang kumpletong ulat hinggil sa insidente ang Hadji Muhammad Ajul Municipal Police Station at ang Basilan Provincial Police Office, parehong sakop ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang eksaktong dahilan ng engkwentro, ngunit patuloy ang imbestigasyon upang malaman ang motibo at makilala ang mga responsable.
Pinapayuhan ang mga residente malapit sa lugar ng insidente na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan para sa kanilang kaligtasan.