Advertisers
INATASAN ng Commission on Elections (COMELEC) si Bustos, Bulacan Vice Mayor candidate, Martin Angeles, na ipaliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi siya dapat makasuhan ng ‘election offense’ (vote buying) at ‘disqualification’ bilang kandidato ngayong araw ng halalan.
Bunga nito, “alinlangan” na ang mga residente ng Bustos kung dapat pang iboto si Angeles sa pangambang “masasayang” lang ang kanilang boto sakaling mauwi sa tuluyang ‘disqualification’ ni Angeles ang imbestigasyon ng COMELEC.
Sa inilabas na ‘SCO’ (show cause order) pasado ala-una ng hapon ng Linggo na pirmado ni Atty. Numer Lobo, COMELEC Region 3 Attorney, tinukoy ang isinampang reklamo sa ‘Committee on Kontra Bayad’ ng COMELEC at sa tanggapan ni Chairman George Erwin Garcia kungsaan binanggit ang umano’y mga insidente ng vote buying ng kampo ni Angeles na suportado ng mga dokumento, litrato at mga video, ilang araw bago paman ang araw ng halalan.
PInakahuli sa nasabing insidente na umano’y naganap noong Sabado sa Bgy. Malamig ay ang pamamahagi ng mga polyetos at sample ballots ng kampo ni Angeles na may P1,000 bill na nakatago sa loob.
Kinumpirma naman ni COMELEC spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ‘considered served’ na ang nasabing SCO at paliwanag nalang ni Angeles ang kailangan para sa ikinasang imbestigasyon ng poll body.
Dinagsa ng reklamo ang COMELEC mula sa ‘concerned citizens’ ng Bustos sa umano’y malawakang pamimili ng boto ng mga tauhan ni Angeles ilang linggo pa bago ang botohan ngayong Lunes, Mayo 12.
Sa isang insidente, isa ring kamag-anak ni Angeles ang nahuli sa video habang naghahagis ng mga persa sa mga nanonood ng isang basketball game sa Bgy. Tibagan na inorganisa ng kanyang kampo.