Advertisers
NANAWAGAN si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero sa mga Pilipino na bumoto nang tapat at may respeto sa 2025 midterm elections.
Sa isang pahayag, hinimok ni Escudero ang mga mamamayan na ituring ang kanilang karapatang bumoto bilang parehong pribilehiyo at responsibilidad na napanalunan sa pamamagitan ng mga sakripisyo ng mga bayani ng bansa.
“Ngayong ika-12 ng Mayo, gamitin po natin ang karapatang bumoto bilang patunay na tayo’y malayang mamamayan. Sa araw lang ng halalan tunay na nagkaka-pantay ang bawat Pilipino,” wika ni Escudero.
Binigyang-diin ni Escudero na ang bawat boto ay may parehong timbang, mayaman man o mahirap, makapangyarihan o ordinaryong, edukado o walang pinag-aralan.
Nagbabala siya laban sa mga elitistang pag-iisip, na sinasabi na walang sinuman ang maaaring mas nakakaalam kung sino ang karapat-dapat na manalo.
“This is the foundation of democracy. The only voice that prevails is the voice of the majority,” diin ni Escudero.
Hinikayat niya ang mga Pilipino na bumoto hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kinabukasan ng kanilang mga anak at kapakanan ng bansa.
“Isusulat natin sa balota ang isang bagong kabanata ng kasaysayan,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan din ni Escudero ang mga kandidato na igalang ang kalooban ng mga tao at igalang ang kasagraduhan ng halalan.
“Nawa’y maging mapayapa ang ating halalan at tanggapin nating lahat ang pasiya ng sambayanan anuman ito at kanino mang panig sila nakahanay,” dagdag pa ng Pangulo ng Senado. (Mylene Alfonso)