Advertisers
ISA sa Top 10 Most Wanted Persons ng Makati City ang inaresto ng mga operatiba ng Southern Police District Mobile Force Battalion (SPD-DMFB), na naging marka ng ikatlong matagumpay na pagdakip sa isang most wanted na indibidwal sa lungsod nitong Mayo.
Ang akusado na si alyas “Arnel”, 29, isang construction worker, ay naaresto dakong 5:00 PM noong Mayo 13, 2025 sa kanyang residente sa Barangay Tanyag, Taguig City. Nakalista siya bilang Top 7 Most Wanted Person (Station Level) ng Makati City Police Station ngayong 2nd Quarter ng Mayo 2025.
Nagsilbi ng warrant of arrest ang mga tauhan ng SPD-DMFB, sa pangunguna ni PCPT Ricardo B. Quibrantos Jr., kasama ang mga elemento mula sa Makati Warrant and Subpoena Section at District Special Operations Unit ng SPD, dahil sa paglabag sa Section 5 (B), Article III ng R.A. 7610 (Lascivious Conduct) sa ilalim ng Criminal Case Nos. 9347 at 9348, na inisyu ni Hon. Byron Gabbuat San Pedro, Presiding Judge ng Family Court Branch 15, Taguig City. Ang warrant ay may inirekomendang piyansa na Php 180,000.00 para sa bawat bilang. Bukod dito, siya ay kasalukuyang nasa ilalim ng pansamantalang kustodiya sa Makati CPS Custodial Facility, habang hinihintay ang pagbabalik ng warrant sa court of origin.
Pinuri ni PBGEN Joseph R. Arguelles, Acting District Director ng Southern Police District, ang mga arresting unit para sa kanilang patuloy na tagumpay sa pagtugis sa mga wanted na indibidwal, kasunod ng mga kamakailang pag-aresto sa iba pang most wanted person sa Makati City noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Arguelles na ang pag-aresto na ito ay isang patunay sa pare-pareho at nakatutok na pagsisikap ng mga tauhan ng SPD-DMFB at iba pang mga yunit sa paghahanap at paghuli sa mga pugante. Ang matagumpay na operasyon nitong Mayo, ay nagpapakita ng kanilang pangako na ihatid ang hustisya at tiyakin ang kaligtasan ng publiko. (JOJO SADIWA)