Advertisers

Advertisers

We will make Manila great again: Yorme Isko (Part 2)

0 42

Advertisers

Hindi biro ang malaking problemang kailangang harapin at iresolba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na inihayag niya sa unang pagharap niya sa Manila City Council session hall.

Mataimtim, buo ang loob niya na sinabi: “Hindi lang po slogan ang Make Manila Great Again. Isa po itong pangarap at platform of government.”

Bago humarap sa Konseho sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza, magdamagan sa mahigit 24 oras na koleksyon ng basura, naglinis sa mga bangketa, mga sulok-sulok ng Maynila, na iniwang mabantot, dugyot ng nakaraang administrasyon.

Isipin ang mahigit na 23,000 metriko toneladang basura at dumi na ikinarga sa mahigit na 300 dump truck at mga compactor at iba pang sasakyan!

Kakailanganin pa, siguro, mahigit sa tatlong (3) araw pa, bago lubusang muling malinis at kaaya-aya sa mata ang Maynila.

Salamat sa tulong ng kompanyang tagahakot ng basura na kahit may utang na mahigit na P950-milyon, tumugon sa pakiusap ni Yorme na tumulong muna, wala munang bayad, magboluntaryo muna, saka na pag-usapan kung paano makasisingil.
***
Tungkol sa krisis sa pananalapi ay agad na inilunsad ni Yorme ang Task Force FACTS para sa mabilisang recovery plan ng pananalapi na tinatawag niyang Financial ICU.

Kumbaga sa pasyente, nasa Intensive Care Unit (ICU) ang Maynila, kasi halos nalimas ang pera, balita ay baka hindi makayang mapasahod sa Disyembre ang mga taga-cityhall.

Mantakin naman na iniwang may utang at bayaring mahigit sa P10.2B ang psmahalaang lokal.

Ayaw nating tawaging naghihingalo kumbaga sa pasyente ng cityhall, pero kailangang harapin iyon ni Yorme, sa tulong ng City Council.

Kailangang maisalba ang lungsod sa krisis sa pananalapi, sa kanyang pahayag sa Konseho, may badyet na P25.8 billion para sa taong 2024, pero ang nakubra lamang ay P21.234 billion, kulang ng P4.65 billion.

Apektado ang smooth operation ng lahat ng serbisyo sa mamamayan, at eto pa ang masakit: mahigit sa P10.2 billion ang di pa bayad na obiigasyon para sa Hunyo 5, 2025.

Kasama rito ang P2.96 billion bayarin sa supplies, P2.25 billion para sa pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga pagawaing bayan, at P950 million utang sa garbage collection, at sina Lolo at Lola, may utang sa kanila na P589 million na social pensions.

Pinabayaan bunga ng kapabayaan ang iniwang problema kay Yorme Isko.

Kasong criminal ito, kumbaga, “Qualified Estafa!”

Ito pa ang nakasisindak na pangyayari, noong kainitan ng eleksyon, isang employee ang humakot ng P132 millions sa kaha ng cityhall, sa isang araw lamang.

Eto pa: lumobo ang Job Order employees mula 8, 309 ay dumami sa 9, 830 na gamit sa eleksyon.

Mahuhulaan nyo siguro kung sino ang empleyado na iyon na may kapangyarihan kumuha ng P132-M sa isang araw lamang.

Sa kabila nito, malakas ang loob ni Yorme Isko na sa tulong ng City Council at ni VM Chi Atienza, makababangon ang Maynila.

“Let’s start healing and curing, our city’s, finances,” sabi ni Yorme at mangyayari, hindi islogan lamang ang Manila will be great again.

Mangyayari, matutupad iyon, pagkat hindi lang iyon pangako, isa yung komitment, isang sumpa na tutuparin, anoman ang mangyari.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.