Advertisers
Ni Oggie Medina
SA pamamagitan ng State of Youth at KidsRights na isang non-profit worldwide organization na naka-base sa Amsterdam, Netherlands at ng financial support ng WereldWijd voor Kinderen (WWvK) ay napili ang project ng State of Youth Manila na isang short film tungkol sa gender equality bilang International Children’s Peace Prize Fund Grantee.
Bibida ang FAMAS best child actress at Star Awards best child performer na si Elia Ilano (napiling Teen Actress of the Year ng Asia Pacific Topnotch Men and Women 2025) sa short film na pinamagatang “Teresa”.
Tungkol ito sa buhay ng isang estudyante na parte ng mundong madalas ay nililimitahan ng kahirapan at pagkiling. Si Teresa ay mula sa isang kapus-palad na komunidad na nangangarap maging isang inhinyera. Biniyayaan ng talino at may matinding hilig sa agham, nilalabanan niya ang bigat ng mga stereotype laban sa kababaihan. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, siya ay pinanday ng inspirasyon at tapang. Sinimulan niyang tahakin ang kanyang landas nang may buong determinasyon.
Nais ng short film na ito na ipalaganap ang gender equality dahil ito ay susi sa pagkakaroon ng makatarungan, maunlad, at mapayapang lipunan kung saan bawat isa, anuman ang kasarian, ay may pantay na oportunidad na magtagumpay, makapag-ambag, at respetuhin bilang tao.
Bukod kay Elia, kasama rin ang veteran actor na si Bodjie Pascua. Kasama rin sa pelikula ang actress, singer, songwriter at host na si Ataska; ang baguhang aktor na si Symon de Lena; ang TV at theater actress na si Malou Canzana; at ang character actor na si Richard Ubalde.
Ito ay produced ng State of Youth, KidsRights, WWvK at Elia Ilano. Sa direksyon at panulat ito ni Paulo Xavier; si Sherryl Ilano bilang assistant director; at si Dave Ramirez ang director ng photography. Ito ay ipalalabas sa pamamagitan ng private screenings sa schools at sa interested private at public sectors nationwide sa Setyember 2025.