Advertisers
NAGBABALA ang pamahalaang lungsod ng Parañaque laban sa paggamit ng mga pekeng Person With Disabilities (PWD) ID dahil tiniyak nito ang pangako nitong protektahan ang kanilang mga karapatan at tinitiyak ang pantay at tapat na serbisyo para sa lahat.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na pinahahalagahan ng pamahalaang lungsod ang pantay na karapatan ng bawat residente, lalo na ang mga may espesyal na pangangailangan.
Pinaalalahanan ni Olivarez ang mga residente ng lungsod na ang paggamit ng PWD IDs para sa pagpaparehistro ng “HELP card” ay sasailalim sa mahigpit na beripikasyon sa tulong ng Persons with Disability Affairs Office at ng Information Technology Development Department ng pamahalaang lungsod.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng Republic Acts 7277, 9442, at 10754, ang sinumang umaabuso sa mga pribilehiyong ito ay mahaharap sa pagkakakulong ng hindi bababa sa anim (6) na buwan o multang hindi bababa sa ?5,000, ngunit hindi hihigit sa ?50,000, o pareho, sa pagpapasya ng korte.
Nagbigay ng babala ang alkalde matapos ipahayag ng pamahalaang lungsod ang paglulunsad ng HELP card na magbibigay prayoridad sa mga PWD at senior citizens.
Sinabi ni Olivarez na ang pag-iisyu ng HELP card ay magtitiyak ng isang pinag-isang anyo ng pagkakakilanlan na igagalang sa mga ospital ng lungsod, mga institusyong pang-edukasyon, mga diskwento, at iba’t ibang uri ng tulong. (JOJO SADIWA)