Advertisers

Advertisers

‘NON-DISCLOSURE’ PABOR SA MGA KRIMINAL

0 5,438

Advertisers

INANUNSIYO ng Bureau of Customs (BOC) nitong Martes na aabot sa 40-importers at customs brokers ang sinampahan ng kasong smuggling sa Department of Justice sapul ng maging Customs commissioner ang ating kaibigan na si Usec. Ariel F. Nepomuceno noong nakaraang Hulyo.

“Magandang balita” na sana ito pero, mayroon nga lang “maliit na problema”— hindi (na naman) isinama sa ‘press release’ ang pagkakilanlan (identity) ng mga sinampahan ng reklamo, kahit pa nga hindi naman ito ipinagbabawal sa batas, particular sa ilalim ng RA 10173 o ang ‘Data Privacy Act of 2012.’

Sa ilalim ng Section 4, partikular na sa Paragraph 4(d), malinaw ang sinasabi na HINDI sakop ng data privacy ang ‘personal information’ ng isang indibidwal “processed for journalistic, artistic, literary or research purposes.”

At dahil galing sa ‘official press release’ ng BOC para maibalita ng media, bakit itinatago ang pangalan ng mga akusado?

Ganito rin ang patuloy na reklamo ng mga kasamahan natin sa ‘police beat’ kung saan sadyang itinatago ng mga pulis ang pagkilanlan sa mga nahuhuli nilang mga suspek sa krimen—kahit uulitin, natin, HINDI ito ipinagbabawal ng RA 10173.

Sa ganang atin, mahalagang ilabas ang pangalan ng mga inakusahan ng smuggling o ano mang krimen para makatulong ang media na masundan ang takbo ng mga reklamo.

Sa mga naging pagdinig ng Senate Committee on Agriculture ni Sen. Kiko Pangilinan, panay ang kanyang himutok na sa dami ng mga kinasuhan ng smuggling sa DOJ—250 kaso sa pagitan ng 2018 at 2024– APAT lang sa mga ito ang nahatulan at ang mayorya ay nabasura lang.

Hindi ito nakapagtataka. Ang dapat kasi na “magbantay” sa istorya, ang media, “bulag” din sa itinatakbo ng pangyayari dahil sinadyang itago sa kanila ng gobyerno ang detalye ng reklamo.

Kaya kung “naareglo,” sino pa ang magbubunyag sa publiko, aber?

Panahon nang tuldukan ng gobyerno ang ganitong paulit-ulit na kalokohan sa pamamagitan ng paglalabas sa pangalan ng mga suspek at mga kriminal dahil hindi naman ito ipinagbabawal ng batas.