Advertisers
Isiniwalat ni Atty. Levito Baligod na pinasok umano ang mga bahay ng 3 kasamahan ng 18 Ex-Marines upang pagbantaan ang kanilang buhay.
Ayon sa abogado, ang tatlong ito ay dating katrabaho ng kanyang mga kliyente kay dating Ako Bicol Partylist Congressman Zaldy Co na umano’y tinatakot upang pigilan ang iba pang posibleng lumantad at magsiwalat ng korapsyon sa gobyerno.
Sinabi rin ni Baligod na dalawa sa mga ex-Marines ang nakatanggap ng text messages na naglalaman ng banta bago pa sila lumantad noong Pebrero 24.
“Mag-ingat kayo at kung hindi ninyo mapataob ang gobyerno, meron kayong kalalagyan,” ayon umano sa natanggap na mensahe ng dalawa sa kanila.
Dagdag pa ni Baligod, ang umano’y pagpasok sa mga bahay ng kanilang mga kasamahan ay tila bahagi ng pananakot upang wala nang iba pang magsalita.
Samantala, sinabi ni National Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag na wala pa umanong pormal na reklamo o findings hinggil sa naturang banta.
Hinimok din ng NBI ang mga sangkot na magsampa ng blotter o pormal na reklamo upang agad itong maimbestigahan at maaksyunan.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email: balyador69@gmail.com