Advertisers

Advertisers

P25K ayuda sa panaderya ng Maynila, tinapay price freeze!

0 3

Advertisers

Upang mapagaan ang bigat na dulot ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na makatatanggap ng tig-P25,000 na economic relief ang lahat ng panaderyang may business permit sa lungsod.
Resulta ang hakbang ng naging konsultasyon ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasama ang mga lokal na pandero, nang iulat ng sektor na hirap na silang makasabay sa pagtaas ng gastusin sa gasolina, LPG, harina, at iba pang pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.
Sa naturang pagpupulong, napagkasunduan na sasagutin ng City Government ang renta ng mga panaderya, kapalit ng pangako ng mga bakery owners na hindi magtataas ng presyo ng mga pangunahing tinapay tulad ng pandesal, monay, at spanish bread, mga pagkaing araw-araw na binibili ng masa.
Ayon kay Mayor Isko, hindi lamang ito tulong pinansyal kundi strategic intervention upang mapanatiling abot-kaya ang staple food ng maraming pamilyang Manileño.
“Naniwala ako na may malasakit ang bawat Manileño sa kapwa Manileño. Ipinagkakatiwala ko sa inyo na ipagmamalasakit ninyo ang mga taga-Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde.
Ipinaliwanag din ni Isko na isang anyo ng ‘balik-tangkilik’ ang P25,000 ayuda, bilang pagkilala sa papel ng maliliit na negosyo sa ekonomiya ng lungsod.
“Galing ito sa buwis na tapat ninyong ibinabayad. Kaya ibinabalik namin ito sa inyo bilang suporta para magpatuloy ang inyong hanapbuhay,” dagdag ng alkalde.
Nilinaw ng pamahalaang lungsod na bawat panaderyang may kumpletong business permit may hiwalay na matatanggap na P25,000.
Ibig sabihin, kung ang isang negosyante may tatlong sangay na pawang rehistrado, tatlong beses din siyang makatatanggap ng ayuda.
Tinataya ng City Hall na daan-daang panaderya ang makikinabang sa programa, na inaasahang magpapalakas sa lokal na ekonomiya at magpapasigla sa produksyon ng tinapay sa Maynila.
Benepisyo ito hindi lamang para sa mga negosyante kundi para rin sa ordinaryong mamimili, lalo na’t isa ang pandesal sa pinakaunang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng langis at LPG.
Sa pamamagitan ng subsidiya sa renta at direct cash aid, layon ng Maynila na mapanatiling abot-kaya ang presyo ng tinapay habang pinananatiling buhay ang operasyon ng maliliit na panaderya, ang tinaguriang “puso ng komunidad.”(BP)