Advertisers
ARESTADO ang siyam katao at nasamsam ang tinatayang P9.75 milyon halaga ng diesel sa ikinasang joint operation laban sa ilegal na kalakalan ng petrolyo sa Navotas Fish Port Complex nitong Martes, Abril 7.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng pulisya sa pakikipagtulungan sa Department of Energy nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa pinaghihinalaang ilegal na distribusyon ng langis sa nasabing lugar.
Ayon sa Philippine National Police, mga lalaking Pilipino ang mga naaresto, edad 21 hanggang 57 anyos, na nagtatrabaho bilang mga drayber, helper at isang kapitan ng barko.
Inaresto ang mga ito nang mabigong magpakita ng mga kaukulang dokumento para sa kanilang operasyon.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang fuel tanker na naglalaman ng humigit-kumulang 15,000 litro ng diesel, isang cargo vessel na ginamit bilang “makeshift depot” na may karga pang 50,000 litro ng langis at iba’t ibang fuel hose at pumping equipment na ginagamit sa pagsasalin ng petrolyo.
Sa kabuuan, umabot sa 65,000 litro ng diesel ang nakumpiska na may tinatayang market value na P9.75 milyon.
Nahaharap sa kasong economic sabotage, walang piyansa, ang mga naaresto.(Beth Samson)