Advertisers

Advertisers

BUHAY PA SI JOYCE SASOT, PERO…

0 4

Advertisers

BILANG ‘follow-up’ sa public service column natin nitong Martes, hindi natin malaman kung maganda o masamang balita na “buhay” pa naman pala si Ms. Joyce Sasot, ang single mother na umuwi sa Iloilo noong August 26 upang magbenta ng minana niyang kapirasong lupa subalit hindi na nakontak pagkatapos.

‘Good news’ na buhay pala siya subalit pulos “bangungot” na ang mga sumunod na pangyayari dahil sadya palang walanghiya ang mga kamag-anak niya doon.

Sa putol-putol niyang mensahe sa kanyang 13-anyos na anak, “pinakidnap” pala siya ng sarili niyang mga kamag-anak sa isang “magpartner” at dinala siya sa San Jose de Buenavista na higit 2 oras ang layo sa Iloilo City,



Kinuha rin umano ang ibinayad sa kanyang tseke na higit P400,000 ng mga suspek, binugbog aat tubig lang ang ibinibigay sa kanya sa halos 2-linggo niyang ‘illegal detention’ at sinira pa ang kanyang cellphone para hindi na siya makontak ng kahit sino.

Subalit sadyang mabait ang Panginoon dahil muli, nagpapatrulyang barangay umano ang tumulong sa kanya pero ang kanyang mga ‘abductors’ ay ‘at-large’ pa rin.



Nang mamatay ang kanyang ina na dating pulis at umuwi siya sa Iloilo ilang taon na ngayon ang nakaraan, “pinasok” umano siya ng dalawang manyakis sa iniwang bahay ng kanyang ina at kung hind sa mga nagpapatrulyang barangay, malamang na patay na siyang matagal na.

Hindi kasi matanggap ng kanyang mga kamag-anak na sa kanya mapunta ang lupang para naman talaga sa kanya kaya kumausap umano ng mga “halang ang bituka” para gawan siya ng kasamaan. Kung maayos ang rekord ng Iloilo City Police Office, dapat lang na nasa rekord nila ang insidenteng ito.



Aniya, nasa San Jose Police Station na siya ngayon at nakapabigay na ng pahayag sa pulis. Kung kumikilos naman ang pulisya para mabigyan siya ng hustisya at maaresto ang mga suspek, hindi natin alam.

Ang problema pa? Hindi na makontak ang bumili ng lupa kaya hindi kaya posibleng sangkot din ito sa nangyaring kawalanghiyaan? Yun bang… nagkaroon siya ng lupa nang walang binayaran dahil nasa kanya na ang titulo?

Harinawang silipin at bantayang mabuti ng mga awtoridad sa Iloilo ang pangyayaring ito dahil isa itong malaking eskandalo na nakataya ang kredibilidad ng sistema ng hustisya sa lugar na yan.
Tama ba, PRO6 RD PBGEN. Randulf Tuaño, Iloilo City Police Director PCOL. Wilbert Parilla at Iloilo Provincial Police Director Bayani Razalan?

Abangan!