Advertisers
SINIBAK ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez sa puwesto ang apat na opisyal ng ahensya dahil sa mga alegasyon ng korapsyon, pangingikil at iregularidad sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Ayon sa DPWH, kabilang sa mga inalis sa tungkulin sina District Engineer Hermon Ines ng Tarlac 1st District Engineering Office, at Engineer Saidale Mitmug ng Cotabato 3rd District Engineering Office dahil sa mga reklamo ng katiwalian.
Tinanggal din sa puwesto si Officer-in-Charge District Engineer Clifton Valencerina ng Apayao 2nd District Engineering Office dahil sa alegasyon ng pangingikil, komisyon o kickback sa mga proyekto.
Samantala, inalis naman si District Engineer Amron Mitmug ng Lanao del Norte 2nd District Engineering Office dahil sa pagsertipika sa mga proyektong hindi maaaring ipatupad.
Batay sa mga ulat, kabilang dito ang 59 proyektong nakapaloob sa panukalang 2027 national budget na unang idineklarang maaaring ipatupad ngunit kalaunan ay nakitaan ng mga problema matapos ang pagsusuri.
Binigyang-diin ni Lopez na magpapatuloy ang pagpapatupad ng ‘one-strike policy’ na sinimulan ni dating DPWH Secretary Vince Dizon.
Sa ilalim ng patakaran, agad na isasailalim sa imbestigasyon ang mga kawani at opisyal na iniuugnay sa mga kuwesti-yonableng transaksyon.
Tiniyak din ng kalihim na walang sasantuhin ang ahensya sa kampanya laban sa korapsyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Wala pang inilalabas na pinal na resulta ng imbestigasyon laban sa apat na opisyal.