Advertisers

Advertisers

Topacio, 5 pa kakasuhan ng cyberlibel sa reklamo ni Sen. Hontiveros

0 7

Advertisers

INIUTOS ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong cyber libel laban sa abogadong si Ferdinand Topacio pati na rin sa mga persona-lidad sa internet na sina Byron “Banat By” Cristobal, Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Krizette “Kiffy” Chu, Jay Sonza at Alex “Tio Moreno” Destor.
Sa isang resolusyong inilabas Oktubre 29, binawi ng DOJ ang desisyon nito noong Disyembre 22, 2025 na nagbabasura sa reklamong isinampa ni Hontiveros laban sa mga respondent.
Umapela ang senador sa pagbasura ng reklamo, na nag-ugat sa video ng isang testigo sa Senado laban sa pinuno ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy na nagsasa-bing sinuhulan siya ni Hontiveros kapalit ng kanyang testimonya.
Ayon sa DOJ, sapat na ang mga rekord na nagpapatunay sa pagkakaroon ng ‘prima facie’ evidence na may makatwirang katiyakan ng pagkakasala upang kasuhan ang mga respondent ng cyber libel.
Sa resolusyon, sinabi ng DOJ na ang mga pahayag ng mga respondent laban kay Hontiveros ay “nagpapadilim sa kanyang reputasyon bilang isang mambabatas, nagpapahina sa kanyang awtoridad, kakayahan, at integridad bilang isang senador, at nagpapababa sa respeto, karangalan, at tiwala ng mga tao” para sa kanya bilang isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Binigyang-pansin ng DOJ ang mga argumentong ibinangon ng mga respondent bago ang pagbasura sa reklamo ni Hontiveros.
Ayon kay Topacio, ang kaniyang mga pahayag ay kinuha ng wala sa konteksto at walang anumang malisya sa kaniyang mga post.
Ikinatwiran ni Chu na naiulat na ng mainstream media ang kaniyang post habang iginiit din ni Celiz na ang kani-yang mga pahayag ay makikita na ng publiko.
Sinabi ni Cristobal na ang kanyang mga pahayag ay nasa kanyang karapatan na magkomento, habang sinabi ni Sonza na ang kanyang mga post ay kanyang personal na mga saloobin sa mga bagay na may kinalaman sa interes ng publiko.
Gayunpaman, binanggit ng DOJ na habang dapat tiisin ni Hontiveros ang kritisismo bilang isang pampublikong opisyal, ang tunay na tanong ay kung nilagpasan ba ng mga respondent ang hangganan na naghihiwalay sa kritisismo at malisyosong pagpaparatang sa mga partikular na gawain.
“Dito, nilagpasan ng mga respondent-appellees ang hangganang iyan,” sabi ng DOJ sa resolusyong nilagdaan ni Undersecretary Majken Anika Gran-Ong para kay Justice Secretary Fredderick Vida.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hontiveros na palagi ni-yang ipagtatanggol ang malayang pananalita at kalayaan sa pamamahayag ngunit naglalagay ng hangganan laban sa mga maling impormasyon.