Advertisers
Sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Ariel F Nepomuceno, matagumpay na nagsagawa ng enforcement operation ang Bureau of Customs (BOC) sa Valenzuela City, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng tinatayang P705 milyong halaga ng iba’t-ibang pekeng pabango at produktong kosmetiko na pinaghihinalaang lumalabag sa batas sa Adwana.
Nagsimula ang operasyon mula sa impormasyong nagmula sa Office of the Commissioner, na napatunayan sa pamamagitan ng field verification at koordinasyon sa iba’t -ibang ahensya.
Batay sa intelligence report ng Commissioner, nagsagawa ng surveillance at intelligence-gathering operations ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Manila International Container Port (MICP) sa isang bodega sa Valenzuela City na pinaghihinalaang imbakan ng mga pekeng luxury perfumes at iba pang hindi rehistradong produktong kosmetiko.
Noong Abril 10, 2026, agad na naglabas ng Letter of Authority, na inaprubahan rin ng Commissioner sa parehong araw, upang maisagawa ang agarang operasyon. Ipinatupad ito ng pinagsanib na puwersa mula sa CIIS-MICP at Enforcement and Security Service (ESS)-MICP, katuwang ang mga operatiba ng Philippine Coast Guard at Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (CIDG-PNP).
Sa paunang inspeksyon sa bodega, tumambad ang napakaraming pekeng produktong kosmetiko at mga pabangong ginaya mula sa iba’t-ibang international brands tulad ng Dior, Chanel, Gucci, Versace, Prada, Yves Saint Laurent, Calvin Klein, Bulgari, Giorgio Armani, Lacoste, Ralph Lauren, Paco Rabanne, Issey Miyake, Jo Malone, Davidoff, Lanvin Éclat, at Victoria’s Secret, at iba pa.
Ayon sa inisyal na pagtataya, umaabot sa P705,168,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam.
“Siniguro naming agarang aksyunan ang impormasyong natanggap. Nang mapatunayan ang intelligence at nagkaroon ng pagkaantala sa pagpasok sa bodega, agad naming kinuha ang kinakailangang awtoridad upang maayos na masuri ang lugar. Mahalaga ang ganitong mabilis at koordinadong aksyon upang maiwasang mailipat o maitago ang mga pekeng produkto,” pahayag ni Nepomuceno.
Muling iginiit ng Bureau of Customs ang matibay nitong pangako, sa ilalim ng direktiba ng Commissioner, na paigtingin ang intelligence-driven enforcement operations at ipagpatuloy ang pinaigting na kampanya laban sa smuggling at pagpasok ng mga pekeng produkto sa bansa.(BP)