Advertisers

Advertisers

Pinalakas na Operasyon ng PNP Kontra Iligal na Kalakalan at Pagmimina; ₱1.8-B Halaga ng Ilegal na Produkto Nasamsam

0 12

Advertisers

Patuloy na pinaiigting ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang kampanya laban sa mga iligal na gawain, kabilang ang sabayang operasyon kontra iligal na kalakalan at pagmimina noong Abril 10, 2026.

Nagbunga ang mga operasyong ito ng pagkakasamsam ng humigit-kumulang ₱1.8 bilyong halaga ng ilegal na produkto at pagkakaaresto ng ilang indibidwal—patunay ng pinaigting na pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang publiko.

Sa Lapu-Lapu City, Cebu, matagumpay na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP ang isang pasilidad sa Cebu Light Industrial Park sa Barangay Basak sa bisa ng search warrant. Limang indibidwal, kabilang ang apat na dayuhan, ang naaresto dahil sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code kaugnay ng falsification at paggamit ng pekeng dokumento.

Sa naturang operasyon, nabunyag ang isang malakihang iligal na operasyon sa paggawa ng sigarilyo. Libo-libong kahon ng sigarilyo na may hinihinalang pekeng tax stamps ang nasamsam, kasama ang mga makina at hilaw na materyales. Tinatayang aabot sa ₱1.1 bilyon ang halaga ng mga nakumpiska. Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek, habang nananatili sa lugar ang mga ebidensya dahil sa dami ng mga ito.

Sa parehong araw, pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP ang isa pang operasyon sa Valenzuela City sa ilalim ng Oplan Mega Shopper, katuwang ang Bureau of Customs (BOC), Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang ahensya.

Sa bisa ng Letter of Authority na inilabas ng BOC, sinalakay ang isang bodega sa Barangay East Canumay kung saan nasamsam ang mga imported na pabango na tinatayang nagkakahalaga ng ₱700 milyon. Ang pangunahing suspek na kilala bilang “Allen” ay nananatiling at large, habang patuloy ang pinaigting na operasyon upang siya ay maaresto.

Ang mga nakumpiskang produkto ay sasailalim sa masusing beripikasyon ng DTI upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan ng kalidad at kaligtasan alinsunod sa Republic Act No. 7394. Ang lahat ng ebidensya ay nasa kustodiya ng Bureau of Customs, habang inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso.

Samantala, sa Surigao del Sur, muling kumilos ang PNP laban sa ilegal na pagmimina sa Barangay Osmeña, Tagbina.

Sa koordinasyon ng 1st Surigao del Sur Provincial Mobile Force Company, Tagbina Municipal Police Station, at Department of Environment and Natural Resources (DENR), naaresto ang dalawang indibidwal dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7942.

Nasamsam sa operasyon ang iba’t ibang kagamitan sa pagmimina, kabilang ang water pump, sluice mats, at mga kasangkapang panghukay, gayundin ang humigit-kumulang 70 sako ng lupa na pinaghihinalaang may lamang ginto at sasailalim pa sa pagsusuri. Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek, habang ang mga ebidensya ay itinurn-over sa DENR para sa kaukulang disposisyon.

Sa kabuuan, malinaw na ipinapakita ng magkakasunod na operasyong ito ang mas pinaigting at intelligence-driven na kampanya ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni General Nartatez—hindi lamang laban sa iligal na kalakalan kundi pati sa mga gawaing sumisira sa kalikasan.

Malinaw ang mensahe: walang puwang ang mga lumalabag sa batas. Patuloy na kikilos ang PNP, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, upang sugpuin ang iligal na gawain, protektahan ang mamamayan, at tiyakin ang seguridad at kinabukasan ng bansa. (BONG SON)