Advertisers

Advertisers

‘KALINGA ACT’ SAGOT SA KRISIS SA LANGIS!

0 6

Advertisers

INIHAIN nina Faustino “Bojie” G. Dy III at Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang House Bill No. 8834 o KALINGA Act, isang panukalang naglalayong tiyakin ang mabilis, target, at awtomatikong tugon ng pamahalaan kapag nagsisimulang magpamahal sa pamumuhay ang pagtaas ng presyo ng langis.

Higit pa sa simpleng ayuda, itinatatag ng KALINGA Act ang isang pambansang balangkas ng proteksyon na magbibigay-daan sa maagap, matatag, at koordinadong aksyon ng pamahalaan, bago pa tuluyang magdulot ng malawakang pagtaas sa pamasahe, presyo ng pagkain, kuryente, at iba pang pang-araw-araw na gastusin ang pagmahal ng langis.

“Isang galaw lang sa presyo ng langis, lahat tumataas, tulad ng pamasahe, pagkain, kuryente. Hahanapan ng Kongreso at pamahalaan ng solusyon ang sitwasyon,” ani Marcos. “Sa KALINGA Act, may malinaw na sistema, may trigger, may aksyon, may tulong.”

Nasa puso ng panukala ang KALINGA Program, isang whole-of-government response system na awtomatikong iiral kapag may mga babalang senyales tulad ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis, matinding inflation, kakulangan sa suplay ng fuel, o deklarasyon ng pambansang energy emergency.

“Hindi ito ayuda lang. Proteksyon ito,” diin ni Marcos. “Kapag tumaas ang presyo, automatic ang tulong.”

Saklaw ng KALINGA Program ang mga sumusunod: Pagpapatatag ng presyo ng langis; Pamamahala sa suplay, seguridad, at imbentaryo ng enerhiya; Targeted na ayuda; Pagpapatatag ng presyo ng essential goods at logistics; Tulong sa MSMEs para sa enerhiya at pagpapatuloy ng negosyo; Pagtipid sa enerhiya at pagbabawas ng demand; at Flexible na hakbang sa buwis at regulasyon.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga mahihirap na pamilya, kulang ang kita o trabaho, mga tsuper ng pampublikong sasakyan, magsasaka, mangingisda, MSMEs, OFWs, at iba pang sektor na matutukoy batay sa datos.

Ang “vulnerable sectors” iyong mga labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis, inflation, at kakulangan sa suplay, at may limitadong kakayahang saluhin ang dagdag gastos sa fuel, kuryente, transportasyon, at pangunahing bilihin.

Sa ilalim ng Fuel Price Stabilization Component, obligadong magpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang tulad ng fuel subsidies sa transport, agrikultura, at logistics; pansamantalang bawas o suspensyon ng excise tax; mekanismo sa pag-smooth ng presyo; at suporta sa pamasahe. Ang lahat ng ayuda ay dapat target, may takdang panahon, at regular na sinusuri.

Sa Energy Supply, Security, and Inventory Management, titiyakin ang sapat na suplay ng langis at kuryente sa pamamagitan ng kasunduang government-to-government, pag-diversify ng import sources, pagbabantay sa imbentaryo, at emergency procurement at distribution.

Sa Targeted Assistance Component, magbibigay ng direktang tulong tulad ng cash aid sa minimum wage earners, fuel subsidy sa tsuper at magsasaka, at transport assistance sa mahihirap na manggagawa.

Upang mapanatili ang suplay at presyo ng pangunahing bilihin, kabilang sa Essential Goods and Logistics Stabilization ang suporta sa transportasyon, food supply buffering, logistics assistance, at price stabilization measures.

Mayroon ding MSME Energy Relief and Business Continuity Component upang maiwasan ang pagsasara ng negosyo at pagkawala ng trabaho. Kabilang dito ang murang pautang, tax deferment, fuel subsidies, at hanggang anim na buwang moratorium sa loan payments nang walang penalty.

Para naman sa pagtitipid ng enerhiya, pinapayagan ang work-from-home, compressed workweek, carpooling, paggamit ng public transport, at pagsulong ng alternative fuels sa ilalim ng Energy Conservation Component.

Sa Flexible Fiscal and Regulatory Measures, maaaring pansamantalang bawasan o alisin ang buwis sa fuel, magbigay ng tax deferments, bawasan ang regulatory fees, at higpitan ang monitoring laban sa hoarding at profiteering.

May nakapaloob ding automatic trigger mechanisms para agad umaksyon ang programa, kabilang ang paglampas ng global oil prices sa itinakdang threshold; 30% pagtaas ng lokal na presyo ng fuel sa loob ng 30 araw; matinding inflation ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas; pagbaba ng fuel supply sa ilalim ng 30 araw ayon sa Department of Energy; deklarasyon ng national energy emergency.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng emergency powers ang Ferdinand R. Marcos Jr. upang ipatupad ang programa, kabilang ang realignment ng pondo, emergency procurement, at pansamantalang pagbabago sa buwis. Ang kapangyarihang ito ay magtatapos matapos ang 60 araw maliban kung palawigin ng Kongreso.

Itatatag din ang KALINGA Inter-Agency Task Force na pamumunuan ng Executive Secretary, katuwang ang mga ahensya tulad ng DBM, DTI, DA, DOTr, DSWD, PSA, at iba pa, upang tiyakin ang maayos na implementasyon at koordinasyon.

Ayon kay Marcos, tugma ang panukala sa direktiba ng Pangulo na pabilisin ang aksyon ng pamahalaan sa panahon ng krisis.

“Ang layunin nito ay simple: siguraduhin na kapag may krisis, hindi naiiwan ang Pilipino,” anang batang Marcos.