Advertisers

Advertisers

MADRIAGA, GIGISAHIN: KREDIBILIDAD SUSI SA IMPEACHMENT VS VP SARA

0 4

Advertisers

INAASAHANG sisiyasatin ng House Committee on Justice ang affidavit at kredibilidad ni Ramil L. Madriaga sa muling pagdinig sa mga reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte.

Ayon sa ulat, posibleng si Madriada ang unang iharap bilang testigo habang inaalam ng mga mambabatas ang mga alegasyong kaugnay ng confidential funds at iba pang isyu laban sa Pangalawang Pangulo.

Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, inaasahang dadalo sa susunod na pagdinig hindi lamang ang mga ipinatawag na testigo at dokumento kundi pati si Madriaga mismo.

“So inaasahan po natin na lahat ng sinubpoena na tao, personalidad, mga dokumento, ebidensya ay maisasalang po sa araw na ’yan at kasama po dito ang pagsalang kay Ramil Madriaga, ang self-confessed bagman ni Vice President Sara Duterte,” ani Ridon sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Dagdag ni Ridon, tatalakayin nang detalyado ng komite ang mga pahayag ni Madriaga upang masuri kung tatayo ang kanyang mga alegasyon sa masusing pagtatanong.

“Pag-uusapan po rito kung ano po ang mga detalye at laman ng kanyang affidavit at tingin ko gusto rin ma-test ng ating mga kinatawan, miyembro ng komite, ang kredibilidad ni Ramil Madriaga,” paliwanag ni Ridon.

Ayon pa kay Ridon, malamang na maunang tawagin si Madriaga sa pagdinig dahil kailangan ding sundin ng komite ang itinakdang oras sa court order hinggil sa kanyang pagharap.

Ipinaliwanag din niya na may limitadong oras lamang ang komite batay sa utos ng korte, kaya’t sisikapin nilang matapos ang pinakamahalagang bahagi ng testimonya sa loob ng itinakdang oras.

“So ang court order po sa kanya ay magpakita sa aming komite from 8 a.m. to 5 p.m. So we would want to respect also the mandate of that court. So hopefully before 5 p.m. natapos na ang major na bahagi ng testimonya ni Mr. Madriaga,” saad ni Ridon.

Kaugnay naman ng cellphone na sinasabing maaaring magsilbing ebidensya ayon sa abogado ni Madriaga, sinabi ni Ridon na hindi pa ito naipapa-subpoena at hindi pa prayoridad sa kasalukuyan.

Dagdag pa niya, kung makukumbinsi ang mga mambabatas sa bigat ng testimonya, maaari parin silang humiling ng karagdagang devices at dokumento, maging sa Kamara o kung umusad ang kaso sa Senado.