Advertisers
NABUKING ang operasyon ng online sabong sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang sabungan sa San Ildefonso, Bulacan. Labing anim katao ang arestado.
Sa video ng Regional Special Operation Group PRO 3, mapapanood na tila ordinaryong sabong lang sa unang tingin ang nagaganap sa isang sabungan.
Hanggang sa mabuko na naka-livestream ang talpakan, na ipinagbabawal sa pamamagitan ng Executive Order No. 9 ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Huli rin sa akto ang ilang tauhan ng sabungan na abala sa pagtanggap ng taya online.
“Bini-bidyohan nila ‘yung aktual na sabong sa sabungan, then nagla-live feed sila, at doon tumataya ‘yung mga mananaya. Kailangan na subukan ng mga tao natin na tumaya, so doon may mga resibo na pinagtayaan,” sabi ni Brigadier General Jess Mendez, direktor ng PNP Region 3.
“According doon sa mga nahuli natin, I think two weeks na sila nag-engage sa ganitong bawal na gawain,” dagdag ni Mendez.
Arestado ng PNP Region 3 at San Ildefonso Police ang 16 katao, kabilang ang mga nasa likod ng operasyon ng e-sabong.
Kumpiskado ang mga ginagamit na camera, computer at gadget sa online sabong, at tatlong baril.
“They’re claiming na may mga naipresenta naman silang dokumento, firearms na licensed and PTC. Pero kahit may PTC ka, those firearms are not allowed na dadalhin mo sa mga lugar sa sabungan, hindi allowed ‘yun. Nakipag-ugnayan tayo immediately sa Firearms Licensing Office, sa FEO, at we requested na ipa-cancel ‘yung lisensiya nila,” sabi ni Mendez.
Sinabi ng Police Regional Office 3 na tuloy-tuloy ang operasyon nila laban sa mga nagsasagawa ng underground e-sabong sa Central Luzon.
Mahaharap sa parusang anim na buwan hanggang 20 taon kulong na may kasamang P500,000 hanggang P5 milyon multa, kapag napatunayang nagkasala.