Advertisers
“ALL systems go!”
Ayon kay Congressman Terry Ridon, handa na ang Kamara!, habang nakahanay na ang mga testigo sa imbestigasyon ng impeachment.
“Mahalaga ang pagdinig bukas.
Ito ay araw ng mga resibo.
Ito ay araw ng ebidensiya.
Ito ay araw ng katotohanan.”
Sa kawalan ng inilabas na temporary restraining order (TRO) mula sa Supreme Court, idineklara nitong Lunes ni House Committee on Public Accounts chairperson Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list na “all systems go” na para sa pagpapatuloy ng mga pagdinig sa impeachment sa harap ng House Committee on Justice, habang nakahanda nang tumestigo ang mga pangunahing saksi, kabilang ang “bagman” ng Pangalawang Pangulo na si Ramil Madriaga.
Ayon kay Ridon, isang abogado mula sa University of the Philippines at kasapi ng House Committee on Justice, magpapatuloy ang proseso ayon sa itinakdang iskedyul at mahigpit na susunod sa Konstitusyon, umiiral na jurisprudence, at House Rules on Impeachment.
Binigyang-diin niya na isang konstitusyonal ang isinasagawang proseso na paunang imbestigasyon, hindi pa isang paglilitis.
“Hindi pa ito trial. Tinitingnan pa lamang ng Kamara kung may sapat na basehan upang umusad ang impeachment sa Senado,” diin ni Ridon.
Iginiit ng mambabatas na ginagampanan lamang ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon upang tukuyin kung may sapat na batayan ang impeachment.
“Hindi ito pulitika. Pagsunod ito sa mandato ng Konstitusyon upang alamin kung may sapat na basehan ang mga reklamong inihain laban sa Pangalawang Pangulo,” dagdag niya.
Ayon pa kay Ridon, layunin ng pagdinig na suriin kung sapat ang ebidensiya upang iakyat ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
“Ang tanong sa yugtong ito ay hindi pa kung guilty o not guilty ang Pangalawang Pangulo. Ang tanong ay kung may sapat bang basehan upang ituloy ang impeachment trial sa Senado,” paliwanag ni Ridon.
Kabilang sa mga inaasahang haharap sa komite sina Atty. Cynthia Viñas-Pantonal, notaryo ng affidavit ni Madriaga; mga tauhan ng House Legislative Archives; si Madriaga mismo; Francis Edralin Lim ng Securities and Exchange Commission; Claire Dennis S. Mapa ng Philippine Statistics Authority; at mga opisyal mula sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue, at National Bureau of Investigation, pati narin ang iba pang resource persons na may kaugnayan sa imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Ridon na inaasahang maghahain ang mga testigo ng mga sinumpaang salaysay at dokumentaryong ebidensiya, at ang anumang kwestiyon sa kanilang kredibilidad ay dapat masubok sa mismong pagdinig.
“Kung may isyu sa kredibilidad ng testigo, dito iyon dapat sinusubok, sa ilalim ng panunumpa, sa harap ng ebidensiya, at sa loob ng proseso,” aniya.
Inulit din niya na binigyan ng buong pagkakataon si VP Sara Duterte na makibahagi at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
“May buong pagkakataon ang Pangalawang Pangulo na humarap, sumagot, at magpaliwanag. Nasa tamang forum na tayo upang marinig ang kanyang panig,” sabi ni Ridon.
Para kay Ridon, mahalaga ang mga pagdinig hindi lamang sa mga sangkot kundi para rin sa publiko na naghihintay ng linaw at pananagutan batay sa katotohanan.
“Naghihintay ang publiko ng malinaw na sagot, batay sa resibo, batay sa ebidensiya, at batay sa katotohanan,” ani Ridon.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang Kamara ng patas, sistematiko, at alinsunod sa batas.
“Magtutuloy ang proseso. Susundin ang batas. Susundin ang mga patakaran. At hahayaan nating magsalita ang ebidensiya,” pagtatapos ni Ridon.