Advertisers
Tinatayang aabot sa halagang P1,260,000.00 ang mga natuklasang tanim na marijuana na winasak sa isinagawang matagumpay na marijuana eradication operations ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa lalawigan ng Benguet nitong Abril 12, 2026 lamang.
Sa bayan ng Bakun, nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng iba’t ibang yunit ng pulisya at ahensya ng pamahalaan ang isang plantasyon sa Brgy. Kayapa na tinamnan ng 4,800 fully grown marijuana plants (FGMJP), na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na P960,000.00.
Kaugnay nito, tatlo pang plantasyon ang natagpuan sa Brgy. Badeo sa bayan ng Kibungan, kung saan umabot sa 1,500 fully grown marijuana plants na may kabuuang SDP na PhP300,000.00 ang nasamsam ng mga operatiba mula sa iba’t ibang yunit ng pulisya, kabilang ang mga specialized forces at katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Dahil dito agad na binunot at sinunog ng mga operatiba ang lahat ng natuklasang tanim na marijuana sa mga nasabing lugar.
Habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng plantasyon sa mga karatig na lugar at mapanagot ang mga nasa likod ng iligal na pagtatanim nito.(Fidel Coloma)