Advertisers
Nakakabwisit na mismong sa tungkil ng ilong ng mga MMDA enforcers ay ginagawang terminal ng mga walang pakialam na driver ng bus ang isang lane sa EDSA sa Makati City.
Ito ang matindi. Ang ginagawang terminal ay hindi lang basta lane sa gilid ng kalsada kundi ang mismong lane na nakalaan bilang U-turn slot o kaliwaan patungong Ayala Avenue Extension.
Mismong ako ang nakaranas mabiktima ng terminal na ito at ilang mga kaibigan. Magkikita sana kami sa Glorietta nito lang Martes, August 4 nang dalhin ako ng Waze sa nasabing bahagi ng EDSA.
Pasado alas-4 ng hapon nang tumigil ako sa likuran ng isang bus na nasa dulong kaliwang lane na nakalaan nga para kaliwaan patungong Ayala-Glorietta. Napuna ko na hindi umaandar ang bus at maraming kotse na naka-signal na papakaliwa ang imbes na pumila sa likuran ko ay tuloy-tuloy na nagpupunta sa katabi ng aking kinalalagyang lane.
Nang aking silipin, puro pala bus ang nasa harapan ko. Maski nagsilipat na sa katabing lane ang mga nasa likod ko, pinagtiyagaan kong obserbahan kung ano ba ang nangyayari.
Ayun. May bus station nila pala malapit sa U-turn slot ng kabilang EDSA. Ang siste, aandar lang ang U-turn lane pag may umalis na bus mula dun sa station sa kabilang side ng EDSA. At ang ookupa sa paradahan na inalisan nung bus sa station ay ‘yung nakahinto sa U-turn slot.
Palibhasa ay limitado ang bilang ng bus na pwedeng pumarada sa station nila, ginagamit ng mga bus ang U-turn slot para hintayin kung me aalis sa station. Pag me umalis, saka aandar ang mga U-turn slot para siya namang pumarada sa station. Ibig sabihin, kapag walang umalis, hindi aandar ang mga bus.
Kaya pala tuwing maggi-green ang traffic light, kapuna-puna na hindi pa din naandar ang mga sasakyan sa U-turn slot, habang ratsada na ang mga kotse sa mga katabing lane.
Ang mga sasakyang pakaliwa o gustong mag-U-turn, kinakailangang gamitin ang second lane kahit me posibilidad na ma-NCAP o masita ng enforcer dahil kung pipila sa tamang lane, walang mangyayari.
Nang magkita kami ng mga kausap, pareho sila ng kwento. Nabiktima din pala sila ng U-turn lane na ginawang terminal ng mga walanghiyang bus.
Kinabukasan, muli akong dumaan sa nasabing lugar at ayun, ganun pa din ang sistema doon.
Kung ikaw ay bago lamang na dumaraan sa nasabing lugar, natural na sa dulong kaliwa ka pipila kung magu-U-turn ka o kakaliwa pa-Ayala. Sa ginagawang pagte-terminal ng nga bus sa nasabing lane, mapipilitan ang mga motorista na mag-overtake at gamitin ang kasunod na lane para lang makarating sa pupuntahan.
Pag minalas-malas ka, baka magka-record ka pa ng violation sa NCAP o di kaya ay masita ng enforcer dahil sa swerving at paggamit ng maling lane.
Ang tanong, sino ang nagbigay ng karapatan sa mga bus na gawin ito? EDSA ang pinag-uusapan ha. At bakit patay-malisya ang mga traffic enforcers na naroon? Tama bang gawing terminal ng bus ang isang lane sa EDSA? Ilang libong dahilan ang nasa likod ng katarantaduhang ito?
MMDA, baka naman gusto ninyong kilusan ang bagay na ito?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.