Advertisers
Binigyang-diin ni dating Deputy Speaker at itatalagang Air Force Reserve Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero ang kanyang ambag sa kapakanan ng mga sundalo sa gitna ng isyu sa kanyang mga medalya at parangal.
Ito ay kasunod ng viral na pagkwestyon ng ilan sa medals at awards sa kanya kung saan lumitaw sa mga rekord at ulat kaugnay ng naging trabaho ni dating kongresista — ang kanyang pakikibahagi sa mga hakbang para sa kapakanan ng mga sundalo at pagpapalakas ng kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang dito ang 2018 AFP Salary Standardization Measures, na ayon kay Romero ay isa siya sa mga naging co-author. Layunin ng salary standardization na mapabuti ang kompensasyon at kapakanan ng mga naka-unipormeng tauhan.
Sa mga ulat noong 2021, lumitaw rin ang naging partisipasyon ni Romero, na noo’y Deputy Speaker, sa mga talakayan at hakbang para sa modernisasyon ng Philippine Air Force, kabilang ang planong pagkuha ng mga bagong C-130 aircraft.
Sa kanyang inilabas na pahayag sa Facebook, sinabi ni Romero na naging bahagi siya ng proseso para sa pagkuha ng tatlong C-130J aircraft para sa Philippine Air Force.
Sinabi rin ni Romero sa kanyang pahayag na nakapagsagawa siya ng mahigit 60 boluntaryong engagement para sa Civil-Military Operations at Humanitarian Assistance and Disaster Relief, na aniya’y nakatulong sa mahigit 20,000 Pilipino.
Kabilang umano sa mga tulong na ito ang pagkain, serbisyong medikal at dental, suportang pang-edukasyon at kagamitan. Binanggit din niya ang pagtulong sa pagkuha ng mga donasyong medical equipment para sa AFP at pagsasagawa ng open-heart surgery para sa 150 bata.
Umabot ang kanyang mga misyon sa mga lugar gaya ng Pag-asa Island sa West Philippine Sea, Mavulis at Itbayat sa Batanes, Basilan, Tawi-Tawi, Jolo, Dinagat Islands, Zamboanga at North Cotabato.
Tungkol naman sa kanyang mga ranggo, appointment at parangal sa Reserve Force, sinabi ni Romero na ang mga ito ay ipinagkaloob ng mga kinauukulang sangay ng serbisyo at command batay sa opisyal na merito.
“Lahat ng pagkilala at parangal ay kusang ibinigay batay sa aking paninilbihan. Kailanman ay hindi ko ito hiningi o ipinakiusap,” ani Romero.
Dagdag niya, bahagi ng permanenteng rekord ng AFP ang mga kaugnay na General Orders at iba pang opisyal na dokumentasyon.
Diin pa ni Romero na nananatiling malaking pribilehiyo para sa kanya ang maglingkod kasama ang mga opisyal, enlisted personnel at reservists ng AFP. (Jocelyn Domenden)