Advertisers
Umabot sa 22 indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad laban sa umano’y pamamahagi at pagbebenta ng pekeng MAGGI Magic Sarap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Nestlé Philippines, isinagawa sa nakalipas na limang buwan ang mga operasyon katuwang ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), at mga lokal na awtoridad.
Kabilang sa mga lugar na sinalakay ang Tacloban City, Iligan City, Pagadian City, Bulacan, Pampanga, Tondo, Caloocan City, Bacolod, Mandaue at Cebu City.
Nasamsam sa mga operasyon ang mga pekeng seasoning products na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P17.63 milyon.
Nahaharap naman sa kaukulang kaso at posibleng mabigat na parusa ang 22 naaresto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na distribusyon at pagbebenta ng mga pekeng produkto.
Pinuri ng Nestlé Philippines ang mga awtoridad sa pinaigting na kampanya laban sa counterfeit products, na layong maprotektahan ang mga consumer, retailer at lehitimong negosyo.
“Product quality and consumer welfare remain among our highest priorities. We will continue working closely with authorities to help ensure that consumers have access to genuine Nestlé products,” ayon sa kinatawan ng Nestlé Philippines.
Samantala, iginiit ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang zero-tolerance policy laban sa mga ilegal na operasyon na may kinalaman sa pekeng produkto.
Ayon sa Nestlé, paglabag sa mga batas sa intellectual property at food safety ang paggawa, pamamahagi at pagbebenta ng counterfeit goods.