Advertisers
“NANGANGAMPANYA” ngayon ang kilalang US reporter/commentator na si Tucker Carlson upang patalsikin si US President Donald Trump.
Ani Carlson, wala nang karapatang mamuno si Trump matapos konsiderahin ng kanyang administrasyon ang paggamit ng ‘tactical nuclear weapons’ sa giyera nito laban sa Iran.
Sa ngayon kasi kahit anong propaganda ni Trump at ng kanyang mga “chuwariwap” na “susuko” na ang Iran, alam ng mundo na “olats” na ang mga Kano sa agresyon nila ng Israel laban sa Iran.
Ani Carlson, “baliw” (lunatic) ang sino man na mag-isip gumamit ng armas nukleyar para maipagyabang na “nanalo” siya sa giyera.
Alam din kasi ni Carlson, na totoong katapusan na ng mundo—at kahit ng Amerika—kung papatulan ni Trump ang panukala ng ilan sa ‘Pentagon’ na bagsakan ng bomba atomika ang Iran.
Hindi kasi papayag ang iba pang ‘nuclear-armed state’ katulad ng Pakistan, China, Russia at North Korea– na pawang kaalyado ng Iran–, na gawin ito ng mga Kano nang walang kapalit na ‘dire consequences.’
At hindi lang si Carlson—na sagad-sagaring ‘pro-MAGA’ at ‘diehard supporter’ ni Trump bago at pagkatapos ng halalan sa US noong 2024– ang dismayado na sa kanya.
Halos lahat ng respetadong intelektuwal sa Amerika—Prof. Jeffrey Sach, Prof. John Mearsheimer, Col. Douglas Macregor at iba pa—ay nawalan na rin ng gana at respeto sa kanya. Hayagan na kung tawagin nilang “crazy” si Trump.
Anila pa, sa ilalim ni Trump, isa nang malaking banta sa kapayapaan ng mundo ang Amerika at kunsintidor pa sa terorismo ng Israel sa mga Palestino. Sa madaling salita? “Nabudol” sila ni Trump, aruy!
Sa totoo lang, kasama tayo sa nagbunyi sa panalo ni Donald Trump dahil kasama tayo sa naniwala na tutuparin niya ang kanyang mga pangako noong kampanya. ‘Good for the world,’ paniwala pa natin noon.
Ang pagtalikod ni Trump sa kanyang mga pangako ang pangunahing dahilan kung bakit marami na sa mga Kano ang gustong mawala na siya sa puwesto, kahit ngayon pa lang.
Kayo ba, dear readers, may kilala rin ba kayong lider na “nambudol” lang sa mga bumoto sa kanya at dapat na ring umalis sa puwesto?