Advertisers

Advertisers

Habang tulog kayo, gising ang kapulisan – Gen. Olazo

0 39

Advertisers

Ang pagbaba ng krimen sa Lungsod Quezon ng halos 50% (42.86%) sa unang linggo ni PBrig. Gen. Christopher Olazo bilang District Director ng Quezon City Police District (QCPD) ay masasabing isang magandang balita ito sa milyong QCitizen.

Tinukoy na bumaba ay ang walong focus crimes – ang kawalan ng naitalang kaso ng murder, carnapping at iba pa, sa loob ng pitong araw ay patunay lamang na kapag naghigpit ang kapulisan, agad na nararamdaman ang resulta sa kalsada.

Subalit sinasabi na madaling magpababa ng krimen sa unang linggo ng bagong pamumuno habang ang malaking hamon dito panatilihin.



Mula naman sa unang araw sa puwesto, nagbitiw ng malinaw na kautusan at pangako si Olazo sa kanyang 16 na station commanders upang tiyaking laging nakatutok ang pulisya. Katunayan, may insidente pa na nakapagtala ang QCPD ng “zero crime” incident. Iyan ang bagong liderato ngayon ng pulisya ng lungsod.

“Habang kayo (mamamayan) ay natutulog, nandyan ang inyong kapulisan, paggising niyo, andyan pa rin kami.” Ang pangako ni Olazo.



Ang ganitong klaseng pamumuno ni Olazo ay magandang simula, ngunit anang Heneral na hindi sila pwedeng maging kampante kahit pa nakapagtatala sila ng “zero incident” sa loob ng 24 oras. Alam niyang ang mga kriminal ay nag-aabang lamang ng pagkakataon kapag nagluwag ang pulisya.

“Meron talagang mapagsamantala, kaya dapat lagi tayong gising.” pahayag ni Olazo.



Batid naman natin na ang mga kriminal ay hindi nawawala nang “pag-asa”, nandiyan pa rin sila at nag-aabang lamang kung kailan lilipas ang matinding pagbabantay, kung kailan magluluwag ang mga checkpoint, o kung kailan mababawasan ang mga patrol sa kalsada.

Sa ganitong situwasyon, dito na papasok ang tunay na hamon sa QCPD. Ang mas pinalakas na police visibility at intelligence-driven policing ay hindi dapat maging panandaliang aksyon lamang at sa halip kailangan itong maging pang-araw-araw na gawi…kung baga, dapat hindi ito isang ningas kugon.

‘Ika nga na ang tunay na tagumpay ng kapulisan ay hindi nasusukat lamang sa isang linggong ulat ng pagbaba ng krimen kung hindi masusukat ito kung paglipas ng ilang buwan ay nananatiling mababa ang mga numerong ito….at siyempre, kung ang bawat mamamayan ng Lungsod Quezon ay nakakapaglakad sa gabi nang may tunay na kapanatagan sa kanilang puso kung saan, ito naman ang layunin ng mga programa ni Olazo partikular na ang kampanya niya laban sa kriminalidad.