Advertisers
Daig ng maagap ang masipag kaya agad na nagtatag ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex Castro ng isang pinalawak na El Niño Task Force noong Oktubre 8, 2026 na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Lungsod ng Malolos.
Layunin nitong paghandaan ang banta ng matinding El Niño at protektahan ang suplay ng tubig, pagkain, enerhiya, at kalusugan ng mga Bulakenyo.
Sa gitna ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa posibleng epekto ng El Niño Phenomenon sa mga susunod na buwan, kaya agad na pinulong ni Gob. Fernando ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang pagtibayin ang mga paunang hakbang laban sa tagtuyot.
“Hindi natin dapat hintaying maramdaman ang kakulangan sa tubig, pinsala sa kabuhayan, at panganib sa kalusugan bago tayo kumilos,” – pahayag ni Fernando
Habang maaga pa ay inilatag na ng punong lalawigan ang malinaw na direksyon upang pangalagaan ang tubig, suportahan ang magsasaka, at protektahan ang kalusugan ng bawat Bulakenyo.
Para maiwasan ang kalituhan at turuan, tinukoy agad ni Fernando ang limang (5) departamento bilang haligi na tututok sa maging epekto ng Phenomenon: PAO para sa Food Security, BENRO para sa Water Security, PGSO para sa Energy Security, PHO para sa Health Security, at DILG para sa Safety Security.
“Kailangang malinaw ang tungkulin ng bawat tanggapan, ang mga pangangailangan sa pondo at kagamitan, at ang sistema ng koordinasyon.” – giit ng gobernador
Ayon kay Julie M. Nimes ng PAGASA, makakaranas ang Bulacan ng dry conditions hanggang Nobyembre, dry spell sa Disyembre hanggang Enero, at tagtuyot mula Pebrero hanggang Marso 2027.
Sa naging pulong, malinaw ang naging mensahe ni Gob. Fernando: Ang sukatan ng pulong ay hindi sa dami ng dumalo, kundi sa dami ng pamilyang maililigtas sa gutom, uhaw at sakit.
“Hindi tayo naghihintay ng sakuna, Pinaghahandaan natin ito”. – sabi ng gobernador
“Maagap ang Pamahalaang Panlalawigan. sana, maging maagap din ang bawat bayan at lungsod, maging ang mga barangay dahil ang El Niño ay hindi nag-aabiso kung kailan mananalasa. Pero ang kahandaan, pwedeng ihanda ngayon pa lang”. – wika ni Fernando
Ilan sa mga iminungkahi ni Fernando ang pagtitipid sa paggamit ng tubig, kuryente habang nabanggit din sa pagpupulong ang paghahanda ng BFP, DepEd, mga Health Offices, rescue teams at iba pang kinauukulan.
Dahil dito binuo ni Gob. Fernando ang isang Task Force sa pamamagitan ng kanyang Executive Order No. 11 kung saan siya mismo ang tatayong chairperson ng task force, katuwang ang Provincial Science and Technology Office bilang co-chair upang paghahanda ang mararanasang Very Strong na El Niño para na rin sa kapakanan ng mga Bulakenyo
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com