Advertisers
AASA ang Pilipinas sa 69 na atleta na kalahok sa 11 sports para maghatid ng malakas na kampanya sa darating na Asian Para Games mula Oktubre 18 hanggang 24 sa Nagoya, Japan.
Ipinahayag ni Mike Barredo, presidente ng Philippine Paralympic Committee, ang kanyang tiwala sa pambansang koponan.
“I told the athletes what’s important is that they do their best to go for gold and make sure that they fight all the way,” wika ni Barredo.
Naka-secure ang Pilipinas ng 19 na medalya sa 2023 Asian Para Games sa Hangzhou, China, kabilang ang 10 ginto, walo dito ay mula sa chess.
“They made sure chess is not included because we will surely win. But I pushed for it. Pinilit natin,” tugon ni Barredo. “But we will make up for that.”
Dahil wala ang sport sa darating na edisyon, titingnan ng delegasyon ang iba pang disiplina para mapanatili ang medalya ng bansa.
Makikilahok ang pambansang koponan sa para taekwondo, swimming, athletics, table tennis, cycling, fencing, judo, 3×3 basketball at archery, pati na rin sa iba pang events sa kabuuang 11 sports nito.
Kabilang sa mga Pilipinong kandidato sina para taekwondo jin Allain Ganapin at para table tennis player Lhey Marie Manginsay.
Bukod sa nalalapit na paligsahan, binigyang-diin ni Barredo ang pangangailangang palakasin ang mga grassroots na programa sa para sports sa pamamagitan ng mas regular na pambansang kompetisyon at tuloy-tuloy na suporta mula sa gobyerno.
Binanggit niya na ang sports ay maaaring magbigay ng higit pa sa pagkakataon na katawanin ang bansa at nanawagan rin siya sa media na tumulong sa pagpapalaganap ng kamalayan at hikayatin ang mas maraming Pilipino na may kapansanan na lumahok sa sports.