Advertisers
NANANAWAGAN ang mga residente sa kanilang alkalde at police chief na ipaaresto at kasuhan ang mga indibidwal na pasimuno sa talamak na nakawan ng petrolyo sa Brgy. Natunuan, San Jose, Batangas sapagkat hindi na halos nakakatulog sa matinding takot para sa kanilang kaligtasan.

Ayon sa mga residente ay malaking panganib sa kanilang kaligtasan at kabuhayan ang pagkakaroon ng imbakan/bodega ng mga nakaw na produktong petrolyo tulad ng krudo, gasolina, gas at maging ng Jet A-1 fuel lalo’t malapit lamang ito sa mga tindahan ng karne sa Brgy. Natunuan.
Sa naturang bodega ay doon na din isinasagawa ang pagpapaihi ng white product (gasolina, krudo, gas at A1 Jet Fuel) at pagpapasingaw ng Liquified Petroleum Gas (LPG) na anumang oras ay maaring maging sanhi ng pagsabog at lumikha ng malaking sunog sa kanilang lokalidad.
Tinukoy ng mga apektadong residente ang grupo ng mga maintainer ng buriki/paihi operation na isang alyas Delson na kilala din sa alyas Etring Payat, alyas Roceo, alyas Rico M. at ilang iba pa.
Sa kanilang pagkondena sa naturang ilegal na aktibidad, sinabi ng mga ito na malinaw na paglabag sa Illegal Trading in Petroleum and or Petroleum Product na kinapapalooban ng may walong mahigpit na probisyon sa Batas Pambansa No. 33 ang naturang aktibidad.
Anila paglabag din ito sa Presidential Decree 1865 na nagpapataw ng pagkabilanggo at malaking halaga ng multa laban sa mga naturang “economic saboteurs”.

Inaasahan ng mga apektadong residente na hindi kukunsintehin ni San Jose Mayor Reggie Virtucio ang operasyon ng naturang grupo, bagama’t ipinangangalandakan ng grupo ng buriki/paihi maintainer na supporter sila ng butihing mayora noong nakaraang halalan?
Nakatitiyak naman na hindi papayag si Mayora na kilalang matagumpay na negosyante at ekonomista na pagkutaan ng mga ilegalista ang kanilang munisipalidad.
Ipinagyayabang din nina alyas Delson aka Etring Payat na naka rekta sila sa mga tanggapan ng pulisya sa Camp Crame, Quezon City, PNP Region 4A, Camp Vicente, Canlubang Laguna, pati na sa mga opisina ng Criminal Investigation and Detection Group, Regional Field Unit 4A( CIDG-RFU 4A) at CIDG Batangas Provincial Office.
Pinaniniwalaang nalansag na ng mga operatiba ni Batangas Acting PNP Provincial Director Col. Oliver Ebora ang operasyon ng Buriki/Paihi sa mga bayan ng Bauan at Calatagan sa serye ng dragnet operation kamakailan.
Ngunit nakapagtataka na nanatiling nakatayo pa din ang nababakurang kuta nina alyas Delson aka Etring Payat, alyas Roceo at alyas Rico M. sa Brgy. Natunuan dahil sa ipinagmamalaking malalim na koneksyon ng mga ito?
Sinikap ng SIKRETA na makipag-ugnayan kay PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co upang iparating sa mga ito ang hinaing ng mga taga San Jose, ngunit bigo na makontak ang kanyang tanggapan. May karugtong.
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144