Advertisers

Advertisers

Dapat kasama si Digong sa mga kinasuhan sa Pharmally

0 32

Advertisers

TAMA si dating Senador Richard “Dick” Gordon sa kanyang sinabing dapat isinama si dating Presidente Rodrigo “Digong” Duterte sa kasong PLUNDER sa Pharmally pandemic scandal.

Sinabi ito ni Gordon, ang Senate Blue Ribbon Committee chairman na nagsagawa ng imbestigasyon sa Pharmally scandal, sa panayam sa kanya ng radio DZRH News “Special on Saturday” nitong October 17.

Reaksiyon n’ya ito sa pagsampa ng kaso ng Ombudsman sa mga dating opisyal ni Digong.



“Ang dapat pa isama ay si President Duterte, bagama’t nakakulong na siya. Hindi nag-a-accept ng liability ’yun, dapat isama parin siya para sa darating na araw, magkaroon ng katarungan ang tao,” diin ni Gordon.

Sinabi ni Gordon na kinasuhan lahat ng Ombudsman ang mga personalidad na nirekomenda niya, maliban kay Digong. Kaya hinihikayat niya si Ombudsman “Boying” Remulla na isama ang dating pangulo sa kaso. Mismo!



“Ang kulang na hindi nila nai-file ay si President Duterte. Dapat i-file niyo para matuto lahat. Pinakamataas walang exception, may tama ’pagka nagnakaw,” giit ni Gordon.

Si Duterte ay hindi kasama sa 46 respondents na nahaharap sa plunder charges, kabilang sina Michael Yang, ang Chinese nat’l na ginawang economic adviser ni Digong; at Lloyd Christopher Lao, dating Procurement Service head na “bata” rin ng dating pangulo.



Noon Pebrero 2022, ang komite na pinamumunuan ni Gordon ay inakusahan si Digong ng pakikipagsabwatan sa Pharmally deals, sinabing ito ay “must be held accountable.”

Sinabi niyang nagduda siya kay Digong nang paulit-ulit nitong birahin ang Commission on Audit (COA) nang lumabas ang mga report sa Pharmally.

“Talagang sabi ko, may kalokohan dito,” ani Gordon.

Sinabi ni Gordon na inamin mismo ni Digong na iniutos nito ang paglipat ng P41 billion, na hawak noon ni Health Secretary Francisco Duque III.

“Ang lumalabas, pinalipat mismo at inamin ni President Duterte na ipinalipat niya ’yung P41 billion. Sumunod naman itong si Secretary Duque na ilipat sa isang ahensya ng gobyerno na ang binibili lang naman noon ay paper clip at papel lamang,” giit ni Gordon.

Sinabi ni Gordon na ang Pharmally ay mayroon lamang P625,000 na kapital pero nakatanggap ng bayad na P11 billion, halos P10 billion ang kimita sa loob lamang ng ilang araw.

“P625,000 lang ang kapital. Paano sila nabayaran ng so far 11 billion pesos? Ang inabot namin ay hanggang P11 billion. At alam mo, sa tatlong araw lang, nakakuha na sila kulang-kulang P10 billion,” pagbubunyag ni Gordon.

Hinihikayat ni Gordon ang mga Filipino na ‘wag makontento sa mga sinampahan ng Plunder, ang higit aniya na dapat na managot at makulong ay ang utak sa Pharmally deals.

“I am not satisfied. Dapat ang Pilipino hindi kayo satisfied hanggang makita niyo nakakulong na ’yang mga ’yan,” diin niya.

Ang problema rito, mga pare’t mare, lahat ng kinasuhan ng Ombudsman ay nakalabas na ng bansa. Kaya malamang na hindi kaagad sila maaaresto tulad nina Zaldy Co at Harry Roque. Mismo!