Advertisers

Advertisers

SENADOR MARK VILLAR ISINUSULONG ANG KABALIKAT SA HANAPBUHAY ACT UPANG MABAWASAN ANG GASTOS NG MGA PILIPINONG NAGHAHNAP NG TRABAHO

0 17

Advertisers

Isinusulong ni Senator Mark A. Villar ang pagbibigay ng diskuwento at pag-alis sa ilang bayarin sa mga dokumentong kailangan sa pag-aaplay ng trabaho upang maibsan ang gastusin ng mga indigent job applicants, sa ilalim ng Senate Bill No. 1272 o ang panukalang Kabalikat sa Hanapbuhay Act.

“Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan ng badyet ng ating mga kababayang naghahanap ng trabaho trabaho. Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais nating mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento upang mas makapagpokus sila sa paghahanap ng trabaho at pagsisimula ng kanilang kabuhayan,” ani Villar.

Ayon kay Senador Villar, nabuo ang panukala mula sa kanyang pakikipag-usap sa mga aplikante sa buwanang MARKAbuhayan Job Caravan, kung saan personal niyang narinig ang mga hinaing ng mga job seekers lalo na ang pinansiyal na hamong kinakaharap nila sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento para makapagtrabaho.



Aniya, dagdag-pasanin sa mga pamilyang kapos sa kita ang pagbabayad para sa mga clearance, sertipiko, at iba pang dokumento ng pamahalaan, kahit nagsisikap lamang silang makahanap ng trabaho at mapabuti ang buhay ng kanilang pamilya.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 20 porsiyentong diskuwento ang mga kuwalipikadong indigent job seeker na nag-aaplay ng trabaho sa loob o labas ng bansa para sa mga bayarin sa barangay clearance, NBI clearance, National Police Clearance, mga medical certificate, PSA birth at marriage certificate, TESDA National Certificate at Certificate of Competency, Certificate of Civil Service Eligibility, at iba pang dokumentong hinihingi ng mga employer na ilalagay sa saklaw ng panukala.



Iminumungkahi rin nitong alisin ang mga bayarin o fees sa pagkuha ng Tax Identification Number (TIN) mula sa Bureau of Internal Revenue, gayundin sa transcript of records, transfer credentials, authenticated copy ng diploma, at Certificate of Good Moral Character mula sa mga state university and college at local university and college.

Upang maging kuwalipikado, kailangang walang nakikitang mapagkukunan ng kita ang aplikante, kumikita nang mas mababa sa opisyal na poverty threshold, o hindi kayang tustusan nang tuluy-tuloy ang mga pangunahing pangangailangan.



Magbibigay nang libre ang kinauukulang lokal na tanggapan ng social welfare ng Certificate of Indigency bilang patunay ng pagiging kuwalipikado. Awtomatiko namang ituturing na indigent ang mga miyembro ng sambahayang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Maaari lamang gamitin ang mga benepisyo isang beses kada anim na buwan sa bawat ahensiya ng pamahalaan, at hindi saklaw ang mga first-time job seeker na nakikinabang na sa Republic Act No. 11261 o First Time Jobseekers Assistance Act.

Nagtatakda rin ang panukala ng sistema ng pagsubaybay sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Public Employment Service Offices, katuwang ang mga lokal na tanggapan ng social welfare, at ng PhilJobnet ng Department of Labor and Employment (DOLE).

May nakapaloob ding mga parusa sa mga kawani ng pamahalaang labag sa batas na tumatangging magbigay ng Certificate of Indigency o magkaloob ng mga benepisyo, gayundin sa mga aplikanteng nagsusumite ng mga pekeng dokumento o umaabuso sa pribilehiyo. Magkakaroon din ng inter-agency committee at congressional oversight upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng panukalang batas.

Binigyang-diin ni Villar na layunin ng panukala na hindi na madagdagan pa ang mga hamong kinakaharap ng mga Pilipinong nagsisikap makahanap ng marangal na trabaho at matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

“Ang pagkakaroon ng trabaho ay mahalagang hakbang tungo sa mas maayos na buhay. Kaya mahalagang matulungan natin ang mga kababayan nating kapos sa buhay na matugunan ang mga kinakailangan sa pag-aaplay, nang hindi nadaragdagan ang kanilang pinansiyal na pasanin,” ani Senador Villar.

Umaasa si Villar na sa pagsasabatas ng Kabalikat sa Hanapbuhay Act, magiging mas abot-kaya ang pag-aaplay ng trabaho para sa mga ating mga kababayan, at mas marami ang magkakaroon ng pagkakataong makahanap ng matatag na hanapbuhay, magkaroon ng sapat na kita, at makapagbigay ng mas magandang kinabukasan sa kanilang pamilya.