Advertisers

Advertisers

PAMAMAHIYA AT PAGMUMURA NI SEC. DIZON, DI MAKATAO

0 25

Advertisers

Ilang beses nang nakitang nagmura dahil sa galit at paka-dismaya habang nagsasagawa ng mga inspeksyon sa iba’t- ibang palyadong proyekto ng gobyerno ang nagbabalik na Transportation Secretary na si Vince Dizon.

Narito ang ilan sa mga insidenteng sinasabi ko Ghost Flood Control Project sa Davao Occidental (Setyembre 2025): Nagmura siya matapos madiskubre na bayad na nang buo sa St. Timothy Construction Company ang flood control project sa Culaman Bridge sa San Jose Abad Santos, ngunit wala pa ring nagawang trabaho ang mga opisyal at kontraktor. Humingi siya ng paumanhin sa publiko sa kaniyang pagmumura pero sinabing gusto niyang ipakulong ang mga sangkot.

EDSA Busway (2025): Nagmura rin siya sa galit matapos makitang sira at may butas agad ang kaka-inspeksyon lamang na EDSA Busway na nagkakahalaga ng P1 bilyon.



Manila-Cavite Road sa Noveleta, Cavite (Hulyo 2026): Nagmura siya matapos makita ang masamang kalagayan at matagal nang hindi tapos na proyekto sa kalsada.

Ganyan din ang nangyari sa kaniyang pag-inspeksyon at pagkadismaya sa mga substandard na dike o proyekto sa Davao City, Bauang sa La Union.



Pareho din nang magpunta naman siya sa NAIA kasama ang mga opisyal ng paliparan kelan lamang.

Sa ganang akin, hindi ito tama dahil una, hindi naman siya ang nagpapakain sa mga minumura niya.



Pangalawa, maaring magpakita ng pagkadismaya sa maayos na paraan o pananalita, hindi ‘yung daraanin sa mura at pamamahiya, dahil mga tao din naman ang kaharap niya.

Ang siste pa, kung minsan ay hindi naman direktang me kasalanan ‘yung taong minumura niya at napag-utusan lamang na mag-represent sa mga opisyal na paligtas-katawan.

Para sa isang opisyal ng pamahalaan, hindi magandang madinig o panoorin na ito ay nagmumura sa mga kausap niya na kapareho niyang public servant.

Maski pa palamon mo ang isang tao, hindi tama na murahin ito o pahiyain. Lahat ng tao may damdamin, may kahihiyan at may karapatan sa dignidad.

Marahil, ang layunin ni Dizon ay upang ipakita sa madla na hindi niya kunsintido ang mga palpak. Walang pinakamaganda diyan kundi padalhan ng memo at atasan ang mga opisyal na palpak at pagpaliwanagin, o di kaya ay ipatawag sila sa opisina kung saan maari itong sabunin nang harapan, at hindi sa harap ng mga camera.

Anumang taas ng posisyon sa gobyerno, mas maganda kung ikaw ay makatao. Huwag gawin sa kapwa ang ayaw mong gawin sa ‘yo.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.