P10K, ayuda sa fire victims – Mayora Honey
Advertisers
PINANGUNAHAN ni Mayor Honey Lacuna ang distribusyon ng financial aid na nagkakahalaga ng P10K bawat isang pamilya na mga biktima ng naganap na sampung sunog sa lungsod. Dahil dito ay muling nagpaalala ang alkalde na maging maingat dahil ang buwan ng Marso ay “Fire Prevention Month.”
Ayon kay Lacuna, ‘di man kalakihan ang cash aid ng city government, ito naman ay makakatulong upang sila ay makapagsimulang muli ng kanilang buhay.
Nabatid kay Manila department of social welfare chief Re Fugoso, na tumulong sa alkalde sa pag-asisti ng distribusyon financial assistance, na may kabuuang 231 pamilya ang tumanggap ng P10,000 bawat isa, para sa grand total na mahigit P2.3 million.
Ang mga pamilyang tumanggap ng ayuda, ayon kay Fugoso ay ang mga biktima ng sampung sunog na naganap noong February 23, 2023 hanggang March 13, 2023.
Sa nasabing bilang, apat na sunog ang naganap sa District 3; tatlo sa District 1; dalawa sa District 2 at isa sa District 6.
Sa kanyang maiksing mensahe, sinabi ni Lacuna sa mga residente na wag mawalan ng pag-asa at ipagpasalamat na sila ay magkakasama at walang nasaktan sa kanila.
Tiniyak din ni Lacuna na ang city government ng Manila ay laging naririyan upang magbigay ng lahat ng uri ng tulong.
Muli ay binigyang paalala ng lady mayor na ang buwan ng Marso ay Fire Prevention Month’ dahil ito ang panahon kung saan ang sunog ay madalas na nagaganap dahil sa init ng panahon. (ANDI GARCIA)