Advertisers

Advertisers

EDCA AT ANG CHINA

0 152

Advertisers

MARAMI ang pumupuna sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na kasunduan sa pagitan ng ating bansa at ng Estados Unidos.

Isa na riyan ang isa pang malakas at kaibigan nating bansa na China. At sa pamamagitan ng kanilang embassy dito, sabi ng mga Intsik, ang pagtatalaga ng mga lugar para sa EDCA dito sa atin, ay siya raw maglalagay sa atin sa alanganin. Masisira raw nito ang mismong interest ng bansa at katatagan ng kapayapaan sa rehiyon ng Asia.

Hindi ba sila nga ang may mga ginagawa para masira ang katatagan ng sinasabi nilang katatagan sa rehiyon? Sinasabing kaibigan natin sila, panay naman ang kamkam sa mga teritoryo natin sa ating mga karagatan. Parang iba ang sinasabi ng mga Intsik na ito, sa kanilang ginagawa. Ganyan ba ang isang kaibigan?



Si ‘Uncle Sam’ o ang U.S. ay matagal na nating kaibigan at talagang subok na sa kanilang seryosong pakikipag-kaibigan sa atin. Kahit nga minsan nagugulangan pa natin, eh nariyan pa rin sila. Di ba, pina-alis natin ang kanilang mga base-militar kahit alam naman nating kailangang-kailangan natin ang mga iyon? Nagalit ba ang mga ‘Kano’? Di ba hindi?

Etong mga Intsik, sa kabila ng parang nakikipag-plastikan lang sa atin ay patuloy na niloloko tayo. Ang ating mga mangingisda ay di makapamalaot ng malaya sa sarili naman nating bahagi ng karagatan. Dahil di lamang mabibilang sa ating mga daliri ang mga barko ng China na humaharang at nagtataboy pa sa kanila. Ganyan ba ang tunay na kasangga?

Sa EDCA, maging ang ating mga kawal ay nagiging handa. Handa sa lahat ng banta sa seguridad ng bansa. Mapaloob man o mapalabas ay tinutulungan tayo ng mga Amerikano na magkaroon ng sarili nating kakayahang ipaglaban ang ating kasarilan.

Kaya nga may mga kaakibat ang kasunduang ito ng mga pagsasanay kung saan ang ating mga kawal at mga sundalong Amerikano ay magkasama sa mga pagsasanay kung paano magtu-tulungan kung sakaling may dumating na problema.

Ganyan ang kaibigan, pinalalakas ka, kung ikaw ay mahina, hindi yun uri ng kaibigan na sinasamantala pa ang iyong kahinaan.



Kung talagang kaibigan tayo ng mga Intsik, rerespetuhin nila ang ating kasarinlan. Igagalang nila tayo at di pagsasamantalahan. At hindi kaseselosan ang pakikipag-kaibigan natin sa iba pang bansa ng gaya nila. Eh hindi e.

Gagawa at gagawa sila ng paraan para masira ang mabuti nating pakikitungo sa ibang bansa, di lamang sa mga ‘kano’ kung di sa lahat ng bansang maganda ang ipinakikita sa atin.