Advertisers
MAHIGPIT na binabantayan ngayon ng binuong ‘Task Force Degamo’ ang galaw ni Negros Oriental 3rd District Congressman Arnulfo “Arnie” Teves Jr.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police Chief, General Rodolfo Azurin Jr., na kabilang sa nasabing task force.
Aniya, patuloy nilang beneberipika ang impormasyong nasa Cambodia umano si Teves.
Ani Azurin, nakikipagtulungan sila sa International Police (InterPol) upang matunton ang nagtatagong mambabatas.
Gayunman, sinabi ni Azurin na kung magmamatigas paring umuwi ng bansa si Teves ay kanilang aalamin kung mayroon bang sapat na dahilan para humiling sa Department of Justice na magsagawa ng request sa InterPol na maglabas ng ‘Blue Notice’.
Nakadepende, aniya, ito sa sitwasyon at posible pang umabot ito sa pagpapalabas ng Red Notice sakaling maisampa na ang kaso laban kay Teves.