Advertisers
Arestado ang apat na indibidwal sa ikinasang serye ng operasyon ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) dahil sa pagbebenta ng Gcash accounts.
Kinilala ang mga suspek na sina Jay Cortez y Orozco, Kevin Mark Maboloc y Yong, Jeffrey Miguel y Quimirit at Jeffrey Ilagan y Barraca.
Ayon sa NBI, nakatanggap ng impormasyon ang ahensya na mayroong mga Facebook accounts na sangkot sa trafficking ng Gcash accounts na nag-o-operate sa Quezon City at Tondo, Manila.
Isinasagawa ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng Facebook at Messenger.
Gamit ang undercover Facebook account, nakapagtransak sa mga suspek para hingin ang presyo ng bawat Gcash account.
Sinabi ng mga suspek na bawat account mayroong P100,000.00 transaction at puwede silang makagawa ng hanggang 100 na account pa.
Nang magkasundo sa kanilang meet up sa tatlong magkakahiwalay pagkakataon at lugar, ikinasa na rin ang entrapment operation noong nakaraang Linggo.
Sina Cortez at Maboloc at naaresto sa Matandang Balara,Quezon City habang naaresto si Miguel sa Tondo habang sa North Avenue, Quezon City naman na nadakip si Ilagan.
Dinala sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City ang mga suspek para sa kasong Access Devices Regulation Act of 1998.(Jocelyn Domenden)