Advertisers
Narekober ang mga dokumento at iba pang kagamitan na umano’y pangmamay-ari ng suspected gunmen na pumatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa sugar mill compound na pagmamay-ari umano ni dating governor Pryde Henry Teves, base sa Joint Task Force (JTF) Negros nitong Huwebes .
Sa ulat nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng JTF Negros na natuklasan ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang ilang identification cards at sunog na kasuotan na umano’y pagmamay-ari ng mga itinuturong killer ni Degamo.
Nakuha rin ng mga awtoridad ang isang silencer, soldering iron, flash drive, rifle cleaning equipment, caliber .45 cartridges, Swiss knife, at tucker na ginagamit para sa target papers.
Hinahalungkat ng PNP-CIDG personnel ang 50-hectare sugar mill compound ni Teves sa southern Santa Catalina sa Negros Oriental mula Biyernes.
Ilang high-powered firearms, libo-libong live ammunition, pampasabog, at bulto ng pera na nagkakahalaga ng P18 milyon ang nauna nang nasamsam sa compound.
Naaresto rin ang tatlong miyembro ng personal guards ni Teves sa week-long ng search, kabilang si Nigel Electona, pinuno ng security detail.
Nauna nang nilinaw ni Teves na bahagi lamang ng sugar mill ang pagmamay-ari niya, kung saan mayroon siyang 10-percent share.
Nitong Miyerkules at Huwebes, isinuko ng kampo ni Teves ang 18 sa kanyang mga baril sa police station sa Bayawan City kung saan dati siyang mayor. Ito ay kasunod ng pagbawi ng PNP ng kanyang License To Own and Possess Firearms (LTOPF).
Naghain din ang gobernador nitong Martes ng waiver na pumapayag na silipin ng Department of Justice (DOJ) ang kanyang phone at bank records.
Idinadawit ang nakatatandang kapatid ni Teves, si suspended Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., sa Degamo slay.